ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Mar. 21, 2025

Umaatikabong mga pangyayari ang ating nasasaksihan sa kasalukuyan. Samu’t saring mga tunggalian ng argumento at katwiran ang gumigising sa ating kamalayan. Sa gitna ng maiinit na palitan ng pagpapamalas ng puwersa ng magkakabilang panig, ang niyayanig ay ang kapakanan, kabutihan at katiwasayan ng kalagayan ng taumbayan.
Habang nagbabangayan, nangangatwiran, nagpapagalingan ay naroon pa rin ang kawawang si Juan dela Cruz na hilahod sa araw-araw na paghahanap ng mapagkukunan ng pambili ng makakain, pantustos sa gastusin, pambayad ng utang, at pampagamot na laging ipinagpapaliban.
Unahin ang masang Pilipinong binubusabos ng hirap ng panahon. Silang hindi makaramdam ng ipinangangalandakang pag-angat ng ekonomiya ng bansa. Silang nagkukumahog, hindi lamang araw at gabi, kundi pati sa madaling-araw para lamang masilayan ang bukas na hindi nakanganga sa gutom na wala namang maapuhap na isusubong panlaman sa laging nangangasim na tiyan.
Tila hindi na nga basta makababalik ng Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na sumasailalim sa paglilitis ng International Criminal Court o ICC, kaugnay ng akusasyon sa kanya ukol sa mga krimen laban sa sangkatauhan. Samantala, hindi man lamang siya sinampahan ng kaugnay na kaso Rito sa Pilipinas — kahit pa ilang taon na siyang nakababa sa puwesto bilang pangulo.
Sa Senado, naghahanda naman sila para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Natutuwa ang mga kamag-anak ng mga biktima ng extrajudicial killings. Nagpupuyos naman ang panig ng inaakusahan.
Mangyayari ang mangyayari, mangingibabaw ang bawat pinahihintulutan ng may kapangyarihan. Dangan nga lamang, may pamilyar na ugali ang masang Pilipino — ito ay ang pagpanig sa dakong huli, sa tingin nilang “pinagtutulungan, dinudunggol, inaagrabyado, tinatarantado.” Nilagyan ko ang mga katagang iyan ng mga panipi, dahil iyan ay ayon sa damdamin ng ordinaryong Pilipino, na hindi rin naman bumabase sa katwirang legal, kundi sa kanilang nararamdaman o ibinubulong ng sariling isipan. Tila isang bida sa teleserye na kapag "inaapi" ay lalong umiinit ang nakukuhang simpatiya at pagtangkilik mula sa mga sumusubaybay.
Kaya’t kwidaw, baka sa bandang huli ay lalo lamang tumaas ang survey ratings ng mga kinukuyog, at alalahaning ma-impeach man ang gustong i-impeach ay may dalawang lalaking kapatid pa ito na maaaring tumakbo sa halalan at makakuha ng dumog ng simpatiya, depende sa pagkakabaon nila sa lusak, batay sa persepsiyon ng nakararaming Pilipino.
Baka tuloy mabaon sa limot ang ‘pagsasalaula’ ng mga ilegal na POGO at iba pang karima- rimarim na gawain dito sa Pilipinas na nagsimula sa termino umano ni FPRRD at hinayaang mamayagpag.
Kadalasan sa nasa kapangyarihan ay nakikinig na lamang sa mga nagsasabi sa kanila ng gusto nilang marinig. Kaya’t kalaunan ay napapahamak nang hindi nila akalaing sinlawak ng pagpapahayag ng bilib at panghihimod sa kanila ng sa kanila’y nakapaligid.
Mas maraming tagapayo, mas malapit sa pagkamit ng kaisipang mas maigi. Sa hindi pakikinig sa ibinubulong ng lupa, baka sa bandang huli ay kabaligtaran ang maganap kaysa sa inaasahan at inaasam na mangyari.
Isa lamang ang gawing sukatan at tiyak na tamang landas ang patutunguhan: Unahin ang pinakamatayog na kapakanan ng nakararaming Pilipino, isantabi ang personal na pundok, at hindi ka mabubulid sa kumunoy ng kapahamakan.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.
Ugnay na ugnay sa titulo ng kolum na ito iyong kasabihang "pag nag-away ang dalawang elepante, ang damo ang natatapakan." O iyong kasabihan sa Batangas na pag nagpanuwag ang dalawang toro, ang naiipit ay ang bisiro.