ni Mylene Alfonso | April 2, 2023
Pinalawig ng European Commission’s Directorate-General for Mobility and Transport ang pagkilala nito sa maritime education, pagsasanay at sertipikasyon ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga marino matapos pansinin ang mga aksyon ng bansa sa pagtugon sa ilan sa mga seryosong kakulangan nito.
Sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Susan Ople na ang desisyon ng European Commission (EC) ay isang patotoo sa political will ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., sa pagtiyak sa pagsunod ng bansa sa mga pamantayan ng Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW).
Kaugnay nito, nasa 50,000 trabaho ng mga Pilipinong masters at officers na sakay ng mga European vessel ang nailigtas sa malinaw na desisyon.
Sa isang liham na tinanggap noong Marso 31, sinabi ni Director-General Henrik Hololei kay Maritime Industry Authority (MARINA) administrator Hernani Fabia na in-assess ng EU Commission ang mga aksyong ginawa ng Pilipinas upang matugunan ang mga kakulangang ito sa International Convention on STCW and Code. Pinuri ni Hololei ang mga opisyal ng bansa para sa kanilang mga pagsisikap na sumunod sa mga kinakailangan ng STCW.
Noong nakaraang Disyembre, nakipagpulong si Marcos sa mga European ship owners sa Brussels na humantong sa paglikha ng International Advisory Committee on Global Maritime Affairs (IACGMA) na ngayo’y nag-aalok ng teknikal na payo sa DMW sa mga alalahanin ng mga marino.
Nakipagpulong din ang Pangulo kay EU President Ursula von der Leyen sa EU-ASEAN Summit upang talakayin ang technical cooperation para mapabuti ang education, training at certification system para sa Filipino seafarers.
Naglabas din ang Pangulo ng ilang direktiba sa DMW, Department of Transportation (DoTr,) MARINA at Commission for Higher Education (CHED) sa pagsunod sa STCW.
Pinuri rin ni Ople ang pamunuan ni DoTr Sec. Jaime Bautista na nagsusumikap para mapabilis ang mga reporma sa maritime sector at maipakita ang roadmap ng bansa sa diplomatic at business community.
Comentários