ni Lolet Abania | December 18, 2022
Opisyal nang lungsod ngayon ang Baliuag sa Bulacan.
Sa isang plebisito na ginanap nitong Sabado, may 17,814 o 75.8 porsiyento ng kabuuang voters ang bumotong Yes o pabor na maging cityhood ang Baliuag.
Nasa 5,702 o 24.2 porsiyento naman ang bumoto ng No.
Batay sa report, mababa ang naging turnout ng voters, na may 23,562 lamang mula sa 108,572 registered voters na lumahok sa plebiscite.
Subalit, ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia, hindi ito isyu dahil majority ng mga botante ay ni-ratify ang desisyon para i-convert na maging lungsod o city ang Baliuag.
“Gayunpaman, ang pinagbabasehan natin ay ang mayorya,” saad ni Garcia.
Ang plebiscite ay orihinal na nakatakda sa Enero 14, 2023, subalit ni-reschedule ito sa mas maagang petsa, matapos ang pagpapaliban ng Disyembre 2022 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 2023.
Sinabi pa ni Garcia, “[the plebiscite was] successful and generally peaceful.”
Inaasahan naman ni Baliuag Mayor Ferdinand Estrella na ang taunang Internal Revenue Allotment para sa lungsod ay dumoble na mula P330 million na maging P660 million.
Ayon kay Estrella, binibisita niya ang mga lokal ng 27 barangay bago pa ang plebisito upang kumbinsihin ang mga botante na suportahan nilang maging cityhood ang lugar.
“Kapag maraming shares, mas maraming projects, mas maraming programa sa ating mga kababayan natin dito sa Baliuag,” sabi ni Estrella.
Comments