ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | Mar. 22, 2025

Kaaalis lang noong isang araw ng mga kinatawan ng Ministry ng mga Pamilyang Migrante ng Diyosesis ng Cubao. Nagtungo ng Taipei, Taiwan ang naturang grupo upang makipagtagpo at makipag-usap sa mga kinatawan ng pamilyang OFW na naghahanapbuhay sa Taiwan. Ginagawa nila ito upang patatagin ang programa ng Ministry ng mga Migranteng Pamilya ng Diyosesis ng Cubao. Bakit merong ganitong programa ang Diyosesis ng Cubao?
Hindi lang ang Diyosesis ng Cubao ang merong programa para sa mga migranteng manggagawa at ng kanilang mga pamilya. Ang buong Simbahang Katoliko at lahat ng mga Simbahang Kristiyano at mga iba’t ibang sekta at grupo ang matagal nang bumuo at nagpapatakbo ng ganitong programa dahil sa laganap ang sitwasyon ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo.
Marami ang mga dahilan ng paglaganap ng mga migranteng manggagawa sa buong mundo? Merong dalawang malinaw at pangunahing dahilan. Una, ang positibong hatak ng pandaigdigang ekonomiya o ng globalisasyon. Pangalawa, ang kahirapan na bunga ng mga mali o ‘di makatarungang polisiyang pang-ekonomiya ng iba’t ibang bansa.
Dahil sa una, bukas na ang mundo ng paggawa sa maski na sino. Sa bawat bansa merong dalawang uri ng manggagawang Pilipino, ang “skilled” o manual at ang mga propesyonal. Malaking tulong sa pamilya ang makapagtrabaho sa ibang bansa ngunit marami ring mabibigat na hamon ang kakaharapin ng mga ito. Tingnan natin ang istorya ni Joey sa Hong Kong.
“Wala na si Joey,” ang dumating na pagbati sa akin ng isang OFW na nakasama natin sa Hong Kong noong 2007. Isang OFW si Joey na dumating sa Hong Kong sa mga huling taon ng dekada 90. Malakas at mahusay kumita si Joey, kasama ng iba pang mga propesyonal na lalaking OFW. At noong mga panahong iyon nakilala niya ang kanyang magandang asawa na si Aida. Nagligawan, nag-asawa at nagsimula ng kanilang munting pamilya ang dalawa sa Hong Kong.
Sa madalas nating pagdalaw sa mga madreng Poor Clares sa isla ng Lamma, nakilala natin sina Joey, Aida at ang kanilang tatlong anak. 2007 noon at kararating ko pa lang sa Hong Kong. Madalas akong dumalaw sa mga kaibigang madre sa Lamma Island. Ang mga madreng Klarise (Poor Clares, mga anak ni Santa Klara) ang nagpakilala sa akin sa mag-asawa at kanilang mga anak. Ngunit iba na ang kalagayan ni Joey noong nagkakilala kami. Meron na itong sakit sa bato at kailangan na niya ang panghabangbuhay na gamutan sa pamamagitan ng “peritoneal dialysis.” Mabuti na lang at mahusay ang Universal Health Care Program ng Hong Kong. Libre ang mga gamot at mababa ang singil sa anumang operasyon o treatment sa mga pampublikong ospital.
Dahil dito, tumagal ang mga iba’t ibang gamutan kay Joey.
Mula 2007 hanggang 2014: peritoneal dialysis; 2014 hanggang 2018: hemodialysis; 2018: kidney transplant na nagpahaba ng kanyang buhay hanggang ika-17 ng Marso 2025.
Naging regular na pasyalan at tagpuan ng ilang mga kababayang OFW ang maliliit ngunit magandang tahanan nina Joey at Aida sa Lamma Island. Naging mahalagang bahagi ang mga palitan ng opinyon at kuwentuhan sa kanilang tahanan sa pagbuo ng Buhay Ka, isang Cancer-Support Group sa Hong Kong.
Salamat sa Universal Health Care Program ng Hong Kong tumagal ang buhay ni Joey. At dahil permanent resident na sina Joey at Aida, tuluy-tuloy ang tulong ng pamahalaang Hong Kong sa kanila. Pero sa mga karaniwang OFW na ang karamihan ay babaeng domestic helpers, bukod ang hindi ganoon kalaki ang sahod. Hindi nila maaasahan ang permanenteng suporta at tulong ng pamahalaan. Kapag sila ay nagkasakit at na-terminate o natanggal sila sa trabaho kailangan nilang makakita ng bagong trabaho, bagong amo sa loob ng dalawang linggo at kung hindi, sila ay sapilitang mapapauwi ng pamahalaan.
Isa ito sa mahalagang dahilan sa pagbuo namin ng Buhay Ka Hong Kong. Ibang laban na kapag merong malubhang sakit ang OFW sa Hong Kong o sa ibang bansa. Depende sa batas ng mga host countries, ang pananatili ng mga migranteng manggagawa sa kanilang trabaho. Kapag may kanser ang OFW sa Hong Kong malaki ang papel ng employer. Merong ilang hindi ite-terminate ang kanilang kasambahay na OFW. Merong magte-terminate naman sa mga ito kaagad.
Kung may kanser at terminated, hindi ganoon kadaling makahanap ng trabaho. Maghahanap pa ng pansamantalang matitirhan sa mga shelter ng mga simbahan at NGO o sa mga kaibigang merong uupahang “flat.”
Matagal na nagtulungan ang mga kasapi ng Buhay Ka. Sa mga panahong iyon, malaki ang tulong nina Aida at Dyogi sa ating mga OFW na kasambahay.
Mahabang paglalakbay at pakikibaka sa karamdaman ang pinagdaanan ni Joey.Tumagal ito ng 21 taon mula 2014 hanggang 2025.
Kuwento ito ng isang buhay ng ating mga OFW. Maraming iba’t ibang kuwento pa ang kailangan nating marinig upang maunawaan ang makulay, mahirap at mapaghamon na buhay ng ating mga migranteng manggagawa at ng kanilang mga pamilya.
Salamat sa kanilang pananampalataya sa Diyos, sa pagmamahalan ng mag-sawang Aida at Joey, sampu ng kanilang mga anak, sa pagtutulungan at pagdadamayan ng mga kapwa OFW sa Hong Kong, nanaig ang pag-asa at pagsisikap tungo sa buhay na marangal at makabuluhan sa kabila ng mabibigat na banta, balakid at hamon.
Taos-pusong pakikiramay kay Aida. Paalam Joey at mabuhay ka!
Comments