top of page
Search
BULGAR

Balik Probinsya, Bagong Pag-asa program

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 24, 2022


Isa sa magandang programang naisagawa ng Administrasyong Duterte ay ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program. Isinulong ko ito, sa pamamagitan ng Senate Resolution No. 380, noong kasagsagan ng pandemya kung kailan marami sa ating mga kababayan sa Metro Manila ang nawalan ng trabaho, nahirapang magbayad ng upa sa tinitirahan at kinapos sa pagkain.


Naawa ako nang todo sa kanila, kaya naisip natin na kung babalik sila sa kanilang probinsya ay baka mas magaan ang kanilang magiging buhay roon dahil mas presko ang kapaligiran, mayroon silang sariling bahay at lupa, o mga kamag-anak na matutuluyan. Hindi lang kaligtasan at kaginhawahan ang nais nating makamtan nila, kundi ‘bagong pag-asa’ sa kabila ng hirap na napagdaaanan natin dulot ng pandemya.


Pinalawak pa ito ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Executive Order No. 114 na nilagdaan niya noong Mayo 2020. Sa pagpapalawak sa Balik Probinsya, ang programa ay naging isa sa magiging pundasyon para sa balanseng pag-unlad sa mga rehiyon sa ating bansa.


Mayroon ding inter-agency council na mangangasiwa at magpapatupad nito at whole-of-government na ang approach ngayon. Kabilang sa BP2 ang pagkakaloob ng sapat na serbisyo para sa mga pangangailangan ng mga tao, paglikha ng mga trabaho, pagpapalakas sa mga lokal na industriya, kasiguruhan sa pagkain at pagtatayo ng mga imprastraktura sa mga kabayanan.


Isa sa mga layunin ng Balik Probinsya program ang tiyakin na handa at kaaya-aya ang mga probinsya para sa mga bagong negosyong ipapatayo ng mga mamumuhunan.


Isa rin sa layunin ng BP2 Program ang pagkakaroon ng sapat na pamamahagi ng pondo, resources at mga oportunidad sa pamamagitan ng mga patakaran at proyekto na nagpalakas sa pag-unlad ng mga probinsya. Hindi na dapat mapag-iiwanan maging ang malalayong komunidad sa kalinga at serbisyong ipinagkakaloob ng ating national government.


Malaking dahilan kung bakit napakaraming taga-probinsya ang lumuluwas sa Metro Manila ay para makahanap sila ng maayos at disenteng trabaho o mapagkakakitaan. Ngunit marami sa kanila ang nadala na o “natagam” sa Bisaya dahil paghihirap ang nadatnan nila sa Metro Manila imbes na mabuting buhay lalo na sa panahon ng krisis.


Kung masisiguro natin na tuluy-tuloy ang paglikha ng kabuhayan para sa mga kababayan sa mga probinsya, hindi na nila kailangang magbakasakali pa sa Metro Manila.


Kaya kung isa kayo sa nais bumalik sa inyong probinsya at kuwalipikado kayo sa BP2 program, samantalahin ninyo ito. Hindi lang kayo makatutulong sa pag-unlad ng inyong uuwiang probinsya, nakatulong din kayo sa pagluwag ng Metro Manila na masyado nang siksikan ang mga tao.


Nagpapasalamat din ako sa suporta at kontribusyon ng pribadong sektor sa BP2 program. Sana ay mas marami pa ang mamuhunan para mas mapabilis ang ating regional development. Kailangan nating magtulungan at magbayanihan para sa ikatatagumpay ng programa.


Hinihikayat ko ang bagong administrasyon na ipagpatuloy at pagandahin pa ang pagpapatupad ng BP2 program na layuning mabigyan ng bagong pag-asa ang ating mga kababayan sakaling piliin nilang bumalik sa probinsya. Iisa naman tayo ng adhikain — ang masigurong mararamdaman ng bawat Pilipino ang serbisyo at komportableng buhay kahit saan mang sulok ng ating bansa.


Samantala, hindi tumitigil ang inyong Kuya Bong Go at tuloy ang 24/7 na serbisyo, lalo na sa mga sektor at komunidad na ang kabuhayan ay apektado ng pandemya at iba pang krisis. Layunin nating maiparamdam sa bawat sulok ng bansa ang malasakit at serbisyo ng gobyerno para nang sa ganun ay walang maiiwan sa ating muling pagbangon.


Agad tayong sumaklolo sa 202 residente ng Bgy. Ermita at Bgy. Risa sa Cebu na biktima ng sunog, gayundin sa 30 pamilya sa Quezon City.


Personal din akong nagtungo sa Davao Oriental para mamahagi ng ayuda at pasayahin ang 6,000 benepisyaryo mula sa Lupon; at 2,900 sa San Isidro na kinabibilangan ng TODA members, vendors, solo parents, mangingisda at mga senior citizens.


Nagbalik ako sa sa Island Garden City of Samal para muling magkaloob ng tulong sa mga mangingisda, magsasaka, senior citizens at mga kabilang sa iba’t ibang naghihirap na sektor. Nasuportahan natin ang 896 benepisyaryo mula sa Bgy. Caliclic; at 430 sa Brgy. Miranda.


Namahagi naman ang aking tanggapan ng ayuda sa iba’t ibang komunidad sa ating bansa tulad ng 9,567 residente sa Zamboanga City. Sa Davao City naman, natulungan ang 3,500 benepisyaryo mula sa Bgy. Mapula, Bgy. Salapawan, Bgy. Tapak, Bgy. Colosas, Bgy. Mabuhay, Bgy. Paradise Embac at Bgy. Pandaitan. Sa Alegria ay 1,600 benepisyaryo at 1,666 naman sa Sibonga sa probinsya ng Cebu ang ating nabigyan ng ngiti sa kanilang mga labi.


Hindi rin natin kinalimutan ang mga biktima ng Bagyong Ulysses tulad ng 666 benepisyaryo sa Dingalan, Aurora at 649 pa mula sa Arayat, Pampanga. Ang 5,200 indigent nating kababayan sa Zambales ay naabutan din ng tulong.


Tuloy lang ako sa aking tahimik, ngunit walang tigil na pagseserbisyo sa inyo, mga kababayan ko. Nakakawala ng pagod kapag nakakatulong sa kapwa at nakapag-iiwan tayo ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati, lalo na sa ating paniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page