top of page

Balik-ingay na naman sa kampanya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 1 min read

by Info @Editorial | Apr. 22, 2025



Editorial

Katatapos lamang ng Semana Santa — isang panahong inilaan para sa tahimik na pagninilay, pagsisisi, at pagbabalik-loob sa Diyos. Sa loob ng ilang araw, tila huminto ang oras sa bansa. Gumaan ang trapiko, tumahimik ang social media, at napalitan ng mga dasal at pagninilay ang karaniwang init ng pulitika. 


Gayunman, pagbalik ng Lunes, balik-ingay, balik-kampanya, balik-batikusan na naman sa pulitika. Hindi maikakailang ang panahon ng kampanya ay isa sa pinakamainit at pinakamaingay na yugto sa ating bansa. Mula sa makukulay na poster hanggang sa maiingay na jingles, tila nabura agad ang katahimikan ng Semana Santa. 


Muli na namang naging arena ang social media ng mga tagasuporta, trolls, at kritiko.Nakakalungkot isipin na ang diwa ng Semana Santa — ang kababaang-loob, ang pagpapatawad, at ang tunay na serbisyo — ay mabilis na nawawala matapos lamang ang ilang araw. 


Bakit nga ba sa pulitika, madalas puro paninisi, paninira, at pangako? Nasaan ang sakripisyo para sa bayan, tulad ng sakripisyong ating ginugunita tuwing Mahal na Araw?


Hindi pa huli ang lahat. Sana, ang katahimikang ating naranasan noong nakaraang linggo ay magsilbing paalala na kahit sa gitna ng pulitika, maaari pa ring pairalin ang respeto, katotohanan, at malasakit. Hindi kailangang maging banal, pero puwede tayong maging mas makatao.


Tapos na ang Semana Santa, pero sana, hindi natapos ang aral na iniwan nito.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page