ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | November 11, 2021
Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture, patuloy ang ating pagpapaalala sa kahalagahan ng ligtas na pagbubukas ng mga paaralan at hindi na dapat umabot pa sa dalawang taon ang kawalan ng face-to-face classes.
Lumabas ang isa na namang pag-aaral na nagpapakita ng mga suliranin sa distance learning.
Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Psychosocial Support and Children’s Rights Resource Center (PSTCRRC) na kinomisyon ng Save the Children Philippines, 67 porsiyento ng mga mag-aaral na lumahok ang nagsabing sila ay nahihirapan sa mga modules at online classes habang 33 porsiyento naman ang nagsabing hirap silang ganahan sa pag-aaral.
Hindi rin daw akma ang tahanan para sa maayos na pag-aaral.
Ang pag-aaral ay gumamit ng semi-structured interviews sa 126 na mga kalahok.
Limampu’t lima sa kanila ay kabataang may edad 13 hanggang 18. Pitumpu’t isa naman sa mga kahalok mula sa mga piling lugar sa Metro Manila ay mga magulang, primary caregivers o guardian ng mga batang may edad na anim hanggang 12.
Isa sa mga panukala ng inyong lingkod ay gawing basehan ang mga alert levels ng mga local government units o LGUs sa pagsasagawa ng face-to-face classes. Ang mga paaralang napili sa pilot test ng limited face-to-face classes ay mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 2. Dalawang buwan oobserbahan at susuriin ang mga paaralang ito, samantalang inaasahan naman ang pagpapalawig sa face-to-face classes sa Marso ng susunod na taon.
Planong tapusin ng ating pamahalaan ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 12 hanggang 17 ngayong Disyembre, ngunit posible rin itong umabot ng Enero o Pebrero depende sa darating na suplay ng bakuna.
Ngayong nagsimula na tayo ng pagbabakuna sa mga menor-de-edad, hindi natin dapat hayaang umabot pa sa dalawang taon ang kawalan ng face-to-face classes. Malinaw naman sa atin na mula sa lumabas na mga pag-aaral, may malaking pinsala sa kabataan ang kawalan ng face-to-face classes. Dapat nating gawin ang lahat ng hakbang upang matiyak ang kaligtasan nila sakaling bumalik na sila sa mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com
Comments