ni Ryan Sison - @Boses | June 24, 2021
“Dito sa face-to-face, I think I am not inclined to agree with you. I’m sorry but, mahirap, I cannot gamble on the health of the children.”
Ito ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte kay DepEd Secretary Leonor Briones sa meeting ng Inter-Agency Task Force, kamakailan.
Nangangahulugan ito na hindi pa rin payag si P-Duterte na ibalik ang face-to-face classes hangga’t hindi nagkakaroon ng herd immunity laban sa COVID-19.
Dagdag pa ng Pangulo, papayagan lamang niya ang face-to-face classes kapag nabakunahan na ang lahat.
Matatandaang unang ipinanukala ng DepEd ang pagdaraos ng face-to-face classes sa mga lugar na mababa ang COVID-19 cases.
Sa totoo lang, marami pang dapat pag-aralan at ikonsidera kung nais nating ibalik ang face-to-face classes, kaya panawagan sa mga kinauukulan, ‘wag nating madaliin ang bagay na ito.
Siyempre, dapat matiyak na may sapat na proteksiyon ang mga mag-aaral at guro, gayundin, dapat siguradong hindi ito magiging sanhi ng panibagong hawaan.
Ngayong napakarami pang kailangang mabakunahan mula sa iba’t ibang priority groups, sikapin muna nating magkaroon ng herd immunity bago isulong ang mga ganitong gawain.
Samantala, kung nais nating maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga kabataan sa gitna ng pandemya, pag-aralang mabuti kung paano mas magiging epektibo ang distance learning.
Matatandaang hindi naging madali ang taong ito para sa mga guro, mag-aaral at maging mga magulang, kaya suhestiyon natin, ito muna ang inyong tutukan.
Tingnang mabuti kung may natutunan ba talaga ang mga mag-aaral kung paano pa mas mapabubuti ang ganitong sistema ng edukasyon.
‘Ika nga, pokus muna sa tunay na problema bago sumabak sa iba pang mga bagay.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments