@Editorial | July 31, 2021
Nagdesisyon na ang pamahalaan na muling ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR) mula Agosto 6 hanggang 20.
Pinuri naman ito ng OCTA Research group at sinabing suportado nila ang desisyon ng national government bilang precautionary intervention para mapigilan ang pagsipa ng COVID-19 cases.
Sinasabing ngayon pa lang ay malaking hamon na para sa gobyerno kung paano mababaligtad ang surge sa COVID-19 sa NCR.
Kaya patuloy ang paghimok sa mga local government units (LGUs), private sector at mga komunidad sa Metro Manila na magtulungan sa pagpapatupad ng mga estratehiya para maiwasang lumala pa ang surge.
Kaugnay ng bagong desisyon ng national government para sa quarantine restrictions, posible umanong aabot ng P105 bilyon ang mawawala sa ekonomiya ng Pilipinas, habang nasa 170,000 hanggang 444,000 manggagawa ang mawawalan ng trabaho.
Gayunman, ang economic impact umano ng estriktong lockdown ay bahagyang mababaligtad naman kung sa loob ng tatlong linggo ay pabibilisin ang COVID-19 vaccination sa mga high risk areas.
Kaya ang pakiusap sa lahat, ipatupad at sundin ang mga panuntunan na ipatutupad sa ilalim ng ECQ. Huwag nang pasaway dahil marami ang nasasakripisyo tuwing nagsasagawa tayo ng paghihigpit.
Comments