ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 26, 2023
KATANUNGAN
Matagal na akong nag-a-apply sa abroad ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakakaalis. Kaya naisipan ko lumapit sa iyo, Maestro, dahil nawawalan na ako ng pag-asa at nais ko na lang bumalik sa aming probinsya sa Masbate.
Ngunit ayokong bumalik na bigo sa amin, dahil baka pagtawanan lang ako ng mga kaibigan ko na mahilig mang-asar.
Maestro, ano ba ang dapat kong gawin para matuloy na ako sa pag-a-abroad. Gradweyt ako ng Marine Transportation ngunit wala akong experience kaya ‘di nila ako ma-qualified.
Maestro, ano ba ang nakatakdang kapalaran ko at ano ang dapat kong gawin upang magtagumpay ako sa aking buhay, lalo na’t sa aking career?
KASAGUTAN
Huwag kang susuko, Aldrin, dahil ang kasalukuyan ang magiging kapalaran mo sa hinaharap. Gets mo ba?
Ang taong nagtatanong ng magiging kapalaran para sa kanilang bukas, ay mga hangal. Pero sa tulad naming matatalino (hindi pa ako mayabang n’yan, ha!), ay dapat alam mo na “ang bukas ay siya na ring ngayon”
Kapag tumuntong ka sa edad na 35 hanggang 40, hindi mo na mamalayan, ‘yan na rin ang “bukas” na tinatanong mo kahapon. Kung ano ang iyong pinagkakaabalahan kahapon ay siya ring mangyayari ngayon. At ‘yang “ngayon” na ginagawa mo ay siya namang “magiging bukas mo”. Kaya kung bata ka pa, alalahanin mo ang ginagawa mo ay siya ring magiging kapalaran mo.
Pagbutihan mo, anumang career ang pinagkakaabalahan mo ngayon upang gumanda rin ang iyong kinabukasan. Dahil kapag nag ka-edad na kayo at dumating ang retirement age, mauunawaan niyo – ‘yung ginawa niyo kahapon, ang siyang kasalukuyang nangyayari ngayon.
Sa madaling salita, ang pundasyon ng successful, meaningful at maligayang bukas ay nakasalalay ngayon, lalo na sa mga taong nasa middle age - silang may edad na 25 hanggang 40 pataas. Ngunit sa pagtungtong mo ng 50-anyos, maiisip mo na ang “bukas ay hindi na sa iyo” dahil ang bukas mo ay siya na ring bukas ng iyong mga anak.
Sa tanong mo na ano ang iyong kapalaran, ang sagot ay ayan na ang kapalaran mo, dahil ang kasalukuyan mong sitwasyon ang pinanday mo noong araw at taon na nagdaan, kaya ka nagkaganyan ngayon.
Kaya habang may panahon at lakas ka pang natitira sa iyong mga kamay, paghandaan mo na ang bukas, dahil ngayon palang ay ginagawa mo na ang iyong kapalaran paniguradong magiging positibo at maganda rin ang kinabukasan mo.
Samantala, Aldrin, sa darating na buwan ng Hunyo hanggang Hulyo sa taon ding ito, makapangingibang-bansa ka, dahil sa maganda at malinaw na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad.
Kaya hindi ka dapat bumalik sa iyong probinsya, dahil isa o dalawang buwan na lang ang iyong hinihintay may isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa ang itatala sa iyong kapalaran.
MGA DAPAT GAWIN
Ayon sa iyong datos, tiyak na ang magaganap sa taong kasalukuyan makapangingibang-bansa ka at matutupad mo na ang iyong pangarap na makapag-abroad.
Sa sandaling nangyari na ang mga bagay na ito, lalo mo pang dagdagan ang iyong pagsisikap, gawin mo kung ano ang nais mong gawin at ipatupad mo na agad, sapagkat kung paano mong isinasagawa, pinagsikapang mabuti at pinapaganda ‘yan na rin ang magiging kapalaran mo para bukas.
Comentários