ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Inyong Numero | July 22, 2024
Dear Maestro,
May seaman boyfriend ako at 5 years na ang relasyon namin. Gusto kong malaman kung kami na ba ang magkakatuluyan ng boyfriend ko? Pag-uwi niya galing abroad, balak na sana namin magpakasal. Matutuloy kaya ang nasabing kasal at magiging maligaya ba ang papasukin namin pag-aasawa?
Maestro, kung sa taong 2025 kami magpapakasal, ano ba ang magandang motif o kulay para sa kasal namin?
Ang birthday ng boyfriend ko ay April 3, 1989, habang August 15, 1994 naman ako.
Umaasa,
Sophia ng Talaba, Bacoor, Cavite
Dear Sophia,
Ang zodiac sign mong Leo at Aries naman ang boyfriend mo ay pinaghaharian ng elementong fire o apoy, habang ang birth date mong 15 o 6 (1+5=6) at 3 naman ang boyfriend mo ay nagsasabing bukod sa zodiac sign, sadyang compatible rin kayo sa birth date o Numerology.
Nangyaring compatible kayo, sapagkat ayon sa Western Astrology, ang pagsasama ng indibidwal na nagtataglay ng kapwa o parehong fire element ay talagang tugma at suweto sa isa’t isa. Gayundin, ang numerong 3 ay kapwa nasasakupan ng numero na kung tawagin ay “series of 3-6-9”.
Para maging maligaya at matagumpay ang papasukin n’yong pag-aasawa, sa susunod na taong 2025, itapat ang pinaplanong pagpapakasal sa buwan ng June hanggang July o November hanggang December, sa mga piling petsang 6, 15, 24, 3, 12, 21, 30, 9, 18, 27, 5, 14 at 23, higit lalo sa mga panahong nasa first quarter hanggang new moon o full moon ang buwan sa langit. Pula, violet, lilac o lavender naman ang gamitin n’yong motif sa kasal dahil sa ganyang paraan, tiyak na uunlad, sasagana at liligaya ang inyong pamilya.
Comments