ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad | July 19, 2021
KATANUNGAN
1. Gusto kong mag-abroad, pero bukod sa pinanghihinaan ako ng loob ay ayaw akong payagan ng nanay at tatay ko dahil kaisa-isa akong anak at may pandemya pa.
2. Mahirap lang kami kaya gusto ko silang bigyan ng magandang buhay. Gusto ko, pagtanda nila ay mabigyan ko sila ng magandang bahay, magkaroon ang nanay ko ng tindahan sa harap ng bahay namin at maibili ko ang tatay ko ng kapirasong lupa na kanyang pagtataniman ng mga halaman dahil mahilig siyang maghalaman.
3. Gusto kong malaman kung may maganda ba akong Travel Line sa aking palad. At kahit ayaw nila akong payagan, kung may maganda naman akong Travel Line, siguro ay mapipilit ko sila at hindi na sila mag-aalala kung sakaling matuloy ako sa ibang bansa.
KASAGUTAN
1. Tama ka, Arlene, ituloy mo lang ang binabalak mong pangingibang-bansa. Ito ang nais sabihin ng malinaw at malawak na Travel Line (Drawing A. at B. t-t arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Sapagkat ang nasabing guhit ay may pangako ng isang mabunga at mabiyayang pangingibang-bansa, na madali namang kinumpirma ng birth date mong 23 o 5 (2+3=5). Kaso nga lang, dahil nasa “neutral number” ang five o nasa pagitan ng mga numero, kaya alanganing “strong” at “weak number”, kaya naman ngayon ay may pagdadalawang-isip ka.
2. Naging neutral number ang five— puwedeng magpaka-strong at manatiling weak dahil kapag nagbilang ka ng 1, 2, 3 at 4, hindi ba’t 5 ang kasunod at sa kabilang pangkat naman ay ang 6, 7, 8, 9? Ibig sabihin, nasa gitna ng dalawang bilang na 1, 2, 3, 4 at 6, 7, 8, 9 ang numerong 5. Ito ay patunay na hindi niya malaman kung strong o weak number siya. At ito rin minsan ang dahilan kung bakit silang may birth date na 23 ay dumadami ang karelasyon kung hindi nila pipigilan, dahil nga madali silang maimpluwensiyahan ng kapalaran o ng mga taong umaali-aligid sa kanila.
3. Gayunman, ‘wag mo nang intindihin ‘yun. Sa halip, ang mas mahalaga ay ituloy mo ang iyong balak, sapagkat ang iyong lagda na maayos namang isinulat at iminarka ang nagsasabing anuman ang balakin mo sa panahon ngayon, tiyak na magkakaroon ng isang maganda at positibong resulta sa future.
DAPAT GAWIN
Habang, ayon sa iyong mga datos, Arlene, ituloy mo lang ang binabalak mong pag-a-abroad. Sapagkat sa susunod na taong 2022 o 2023, payagan ka man o hindi ng mga magulang mo, sigurado na ang magaganap – matutuloy ka sa iyong pangingibang-bansa. Ito na rin ang magiging simula upang mabigyan mo ng magandang buhay, lalo na sa panahon ng kanilang pagtanda ang iyong mga minamahal na magulang.
תגובות