top of page
Search
BULGAR

Balagbag na pagtatapon ng gamit na facemask at face shield, tigilan!

ni Ryan Sison - @Boses | April 24, 2021



Tamang pagtatapon ng gamit na facemask at face shield.


Ito ang paalala ng Malacañang sa publiko bilang tulong umano sa pangangalaga sa kalikasan.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sa panahon ng pandemya, maaaring makatulong ang lahat kahit sa munting paraan tulad ng tamang pagtatapon ng pinaggamitan na facemask at face shield. Dagdag pa ng tapagsalita, dapat ding ituro sa mga bata ang tamang pagtatapon ng mga ito.


Ang paalala ay kasabay ng pagdiriwang ng Earth Day noong Huwebes, Abril 22, 2021.


Samantala, matatandaang kamakailan ay nagpahayag ng pagkabahala ang isang environmental protection group sa pagdami ng plastic na itinuturing na “infectious waste” mula sa ilang mga ospital sa Metro Manila.


Lumabas na dumami ang infectious waste dahil hindi maganda ang waste management ng ilang ospital dahil sa takot sa COVID-19.


Mahalagang maitapon nang tama ang ganitong uri ng basura dahil hindi lamang dagdag na kalat ang maaari nitong idulot kundi iba pang mga problema sa kalusugan.


‘Ika nga, kasabay ng COVID-19 pandemic, nagkaroon din ng pandemya sa plastic waste, ngunit puwede itong maiwasan.


Kaya naman, umapela rin ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng batas na may kaugnayan sa segregation ng basura.


Karamihan sa mga basurang hindi naitatapon nang tama ay napupunta lamang sa kalsada, ilog at dagat. Bagay na tiyak na magdudulot ng panibagong problema.


At kung magpapatuloy ang ganitong eksena, ano na lang ang mangyayari?


Kaya panawagan sa bawat isa, magkusa na tayong magtapon nang tama at ‘wag na nating asahan ang mga kolektor ng basura pa ang gumawa nito para sa atin.


Kung tutuusin, simpleng bagay lang ang tamang pagtatapon ng gamit na facemask at face shield, ngunit kung lahat tayo ay gagawa nito, malaking tulong ito sa bawat isa, lalo na sa ating kalikasan.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page