@Editorial | July 29, 2021
Pinag-uusapan ang kamakailang hirit ng isa sa mga presidential advisers na magpatupad ang pamahalaan ng mas mahigpit na restriksiyon para sa mga indibidwal na hindi pa bakunado kontra-COVID-19.
Ito ay kasunod na rin ng pagsipa ng kaso ng Delta variant sa Pilipinas.
Kabilang sa panukalang paghihigpit ay ang pagpasok sa ilang establisimyento at pag-ikot sa bansa. Ito umano ang mas dapat gawin sa halip na i-lockdowna ang buong ekonomiya ng bansa.
Agad namang nagpahayag ng hindi pagsang-ayon ang ilang opisyal ng gobyerno at maging mga hindi pa nababakunahan.
Kailangang pag-aralan muna ang hirit na limitasyon sa mga hindi pa bakunado upang maiwasan ang gulo.
Unang-una, hindi nangangahulugang kapag bakunado na ang indibidwal kontra-COVID ay hindi na ito makakapanghawa sa iba, lalo na ngayong nagsulputan ang iba pang variants coronavirus.
Sa karanasan ng ibang bansa, ang Delta variant ay “uncontrollable” na uri ng coronavirus kaya anumang rekomendasyon hinggil sa mga restrictions ay kailangan ng masusing pag-aaral at pag-uusap.
Dapat ding makonsulta muna ang iba’t ibang local government officials (LGUs).
Masasabing masalimuot ang pagpapatupad ng mas mahigpit na lockdown gayundin ang paglilimita sa kilos ng mga hindi pa bakunado, tiyak na magkakaroon ng hindi pagkakaunawaan. Lalo na sa ngayon, dumarami ang gustong magpabakuna pero, wala pang sapat na supply.
Sa social media, kaliwa’t kanang ang reklamo ng mga nagpa-schedule na online at sa barangay pero hanggang ngayon ay walang update kung kailan sila matuturukan.
Para naman sa atin, bakunado man o hindi, dapat pare-parehong mag-ingat laban sa COVID-19 at iba pang sakit. Palaging sumunod sa health protocols at alagaang maigi ang kalusugan.
Comments