ni Lolet Abania | November 30, 2020
Inaasahang masisimulan ang mass vaccination ng milyun-milyong Pinoy sa Hunyo o Hulyo nang susunod na taon, ayon sa isang opisyal ng Department of Science and Technology (DOST).
Sa isang public briefing ngayong Lunes, sinabi ni Philippine Council for Health Research Development (PCHRD) Executive Director Dr. Jaime Montoya, patuloy ang isinasagawang koordinasyon ng gobyerno sa mga suppliers ng COVID-19 vaccines.
“Kung ang ibig ninyong sabihin ng mass vaccination ay million ang bibigyan ng bakuna, ang atin pong estimate dito ay sa second quarter pa rin po next year. So, either po June or July,” sabi ni Montoya.
“Pero patuloy po ang negosasyon natin sa mga suppliers ng bakuna, na kung sila, magiging successful, sana po ay mas mapaaga ‘yung availability ng bakuna,” dagdag niya.
Noong Biyernes, nagkaroon ng pirmahan ang pamahalaan, private sector at manufacturer na AstraZeneca para sa isang tripartite agreement na magbibigay-access sa bansa sa COVID-19 vaccines.
Tiniyak ng gobyerno para sa unang supply deal ng bakuna, na magkakaroon ang bansa ng 2.6 milyong shots ng potensiyal na COVID-19 vaccine na na-develop ng AstraZeneca.
Matatandaang sinabi ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na mahigit sa 35 milyong Pinoy ang bibigyang-prayoridad upang makatanggap ng bakuna laban sa COVID-19. Uunahin ang pagbibigay ng bakuna sa mga mahihirap na Pinoy kasunod ang mga priority sectors gaya ng mga healthcare workers, pulis, sundalo at iba pang essential workers ng gobyerno at business sector.
Sinabi rin ni Galvez na kinokonsidera rin nila ang mga lugar na mayroong mahigit sa 3,000 aktibong kaso ng COVID-19.
Ayon pa kay Galvez, plano ng pamahalaan na mabigyan ng COVID-19 vaccine ang 20 milyon hanggang 30 milyong Pinoy taun-taon sa loob ng tatlo hanggang limang taon. Target pa ng gobyerno na mabakunahan ang 60 hanggang 70 million sa mahigit 100 milyong Filipino.
Comments