@Editorial | July 15, 2021
Napag-uusapan na posibleng maibalik na ang face-to-face classes ngayong panibagong school year.
Ito ay matapos ang pahayag ng pamunuan ng Department of Education (DepEd) na maaari umanong maikonsidera ang pilot face-to-face classes sa gitna ng COVID-19 pandemic kung nabakunahan na kontra-COVID-19 ang mga estudyante at guro ngayong Agosto.
Matatandaang, una nang tinanggihan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mungkahi ng DepEd na payagan na ang resumption ng in-person classes dahil karamihan sa populasyon ay hindi pa fully vaccinated, lalo na ang mga bata, na hindi naman pasok sa prayoridad ng gobyerno sa vaccination program nito. Bagama’t susubukan din umano silang mabakunahan.
Sa ngayon, mas marami na ang gustong magpabakuna at tuluy-tuloy din ang pagdating ng mga supply. Kung magpapatuloy ang maayos na sistema ng pag-deliver at pamamahagi, hindi imposibleng mabakunahan na rin ang mga estudyante at mga guro. Kasunod nito, posibleng mapagbigyan na rin ang panawagang balik-face-to-face classes.
Naranasan naman ng lahat ang hirap at maraming pagbabago, ‘ika nga, iba talaga kung nasa eskuwelahan ang mga mag-aaral at personal silang natuturuan ng mga guro.
Gayunman, ang Presidente pa rin naman ang magdedesisyon sa huli kung papayagan na ba o hindi ang in-person classes. Nais din naman ng pamahalaan na matiyak ang kaligtasan ng lahat kesa magsakripisyo o mag-“bahala na”.
Higit sa lahat, para sa atin, bago isipin kung uubra na ba ang ‘bakuna bago face-to-face classes’, eh, tiyakin munang ligtas at epektib ang mismong bakunang ituturok sa mga bagets.
Comentarios