ni Ryan Sison - @Boses | September 11, 2021
Matapos aprubahan ang Moderna at Pfizer vaccines kontra COVID-19 para sa mga edad 12 hanggang 17, kani-kanyang paghahanda na ang ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila.
Kaugnay nito, bukas na ang online registration sa Pateros para sa mga residenteng menor-de-edad. Ang siste, may QR code para sa mga 12 hanggang 17-anyos na eksklusibo sa lungsod. Ayon sa LGU, hinihintay na lamang ang go-signal ng nasyonal na pamahalaan.
Sa Marikina City naman, inililista na ang contact details at pangalan ng mga magulang na nagtatanong kaugnay ng pagbabakuna sa mga menor-de-edad, pati na ang pangalan ng kanilang mga anak. Kasabay nito, nananawagan si Marikina Mayor Marcelino Teodoro na maglabas na ng guidelines kaugnay dito.
Gayunman, pabor ang ilang magulang na mabakunahan ang kanilang mga anak kontra COVID-19. Ang ilan sa kanila, payag na maturukan ang mga anak para protektado kapag pinayagan na ang face-to-face classes.
At tulad ng inaasahan, hindi pabor ang ilang mga magulang dahil sa pangamba sa side effects ng bakuna. Dahil dito, ibayong pag-iingat na lang ang gagawin upang hindi dapuan ng sakit ang anak.
Sa totoo lang, mahaba-habang usapan at proseso pa bago mabakunahan ang mga bata, pero mabuting ngayon pa lang ay paghandaan na ito para pagdating ng panahon, handang-handa na ang lahat.
Siyempre, ang unang dapat paghandaan ay ang suplay. Tiyaking sapat ang mga ito para mabakunahan ang target na bilang ng kabataan. Ikalawa, handa bang magpabakuna ang mga menor-de-edad, ang mga magulang, payag na ba? Bagama’t hindi natin masisisi ang ilang mga magulang kung nauunahan sila ng takot, pero hindi dapat dito matapos ang lahat. Kailangan nating makuha ang tiwala ng mga ito na ligtas ang bakuna at kaya nitong mabigyang-proteksiyon ang mga bata laban sa malalang epekto ng virus.
‘Ika nga, mas okay nang maghanda nang maaga kaysa sa mangapa at nga-nga pagdating ng panahon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments