top of page
Search
BULGAR

Bakuna pa more para magbukas ang mas maraming negosyo

ni Ryan Sison - @Boses | July 02, 2021



Kasabay ng unti-unting pagluluwag ng quarantine protocols sa iba’t ibang panig ng bansa ang pagbubukas ng mga negosyo.


Balik-operasyon na ang mas maraming negosyo, kabilang ang mga nasa sektor ng turismo, kaya naman mas marami na ring manggagawa ang balik-trabaho.


Kaugnay nito, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na maaari nang magbukas ang mga negosyo sa Metro Manila kapag nabakunahan na ang 25% hanggang 30% ng populasyon ng rehiyon.


Dagdag pa ng eksperto, lumiliit na bilang ng COVID-19 cases at nakakahinga na ang mga ospital sa mga kaso, gayundin, nananatiling mababa sa 5% ang positivity rate.


Samantala, naninindigan ang eksperto na ang bilis ng vaccination rollout ang isa sa mga ikokonsidera sa pagbubukas ng mga negosyo sa Kalakhang Maynila, habang ang average na nababakunahan sa bansa ay 270,000 kada araw.


Marami na rin aniya ang nagsusuot ng facemask at sumusunod sa social distancing, kaya mapabibilis ang muling pagsigla ng ekonomiya.


Base sa nakikita natin na mas marami nang nagpapabakuna, ito ay nangangahulugang tumataas ang kumpiyansa ng publiko sa COVID-19 vaccine.


At kung mas maraming mababakunahan, mas madali nating maaabot ang herd immunity. Ito ay nangangahulugan din na mas maraming negosyo ang makababalik at mas bibilis ang usad ng ekonomiya.


Kasabay nito ang panawagan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos sa mga employer at manggagawa na magpabakuna habang dumarami na ang mga trabahador na nagbabalik sa trabaho.


Gayunman, paalala ng mga eksperto, kailangang mahigpit pa ring ipatupad ang basic health at safety protocols kapag nagbukas na ang mga negosyo.


Tandaan na ang pagpapabakuna ng mamamayan ay malaking hakbang upang makamit natin ang sapat na proteksiyon kontra COVID, gayundin, ang muling pag-usad ng ating ekonomiya.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page