@Editorial | June 23, 2021
Mabigat ang naging babala sa mga ayaw pa ring magpabakuna kontra-COVID-19.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, ipaaaresto ang matitigas ang ulo at tatangging magpabakuna.
Utos ng Pangulo sa Department of the Interior and Local Government at mga opisyal ng barangay, ilista ang mga matitigas ang ulo at ayaw magpabakuna.
Aniya pa, kung ayaw magpa-vaccine ng indibidwal, mas makabubuting lumayas na lamang ng Pilipinas at magtungo sa India o Amerika.
Nadidismaya ang Pangulo, dahil kung sino pa umano ang ayaw magpabakuna ang siya pang kadalasan ay carrier ng virus.
Marahil ang tinutukoy ng Punong Ehekutibo ay silang mga pasaway na hindi na nga naniniwala sa virus at vaccine, hindi pa sumusunod sa mga health protocols.
Matatandaang, mismong si Pangulong Duterte ang nagsabi noon na hindi sapilitan ang pagbabakuna subalit, iba na kasi ang sitwasyon, tayo’y nasa gitna ng pandemya at mayroong national emergency. Itong mga bakuna ang isa sa masasabing malaking tulong upang maprotektahan ang isa’t isa. Tulad ng palaging sinasabi ng mga awtoridad, hangga’t hindi makakamit ang herd immunity ng lahat ng bansa sa mundo, hindi magiging tunay na ligtas ang lahat.
Itong babala ng Pangulo na kulong sa mga ayaw magpabakuna, mismong ang pamunuan ng Department of Justice na ang nagsabi na walang batas na sumasakop sa ganitong kautusan. Marahil, ang gusto lang iparating ng Pangulo ay kasing halaga ng kalayaan ang pagpapabakuna — ang buhay at kalayaan ay iisa.
Comments