top of page
Search
BULGAR

Bakuna muna para sa lahat, iprayoridad bago booster shots

ni Ryan Sison - @Boses | August 30, 2021



Bagama’T hindi isinasara ng Department of Health (DOH) ang pintuan sa usapin ng pagkakaroon ng booster shots, iginiit nitong mawawalan ng pagkakataong makapagpabakuna ang ilang Pilipino kung matutuloy ang pagbibigay ng booster shots ngayon.


Ito ay dahil pa rin umano sa unstable na suplay ng COVID-19 vaccine sa bansa.


Paliwanag ng opisyal ng ahensiya, ikinukonsidera nila ang pagkakaroon ng ‘equity’, kasabay ng pagsasaalang-alang ng kaligtasan ng ating mga kababayan.


Bukod pa rito, wala pa aniyang pinal na rekomendasyon ang vaccine experts sa bansa hinggil sa kung sino ang dapat mabigyan ng booster shots, kung gaano ito kadalas dapat ibigay at kung ano’ng mga brands ang dapat bilhin.


Samantala, mayroon na umanong naipong pera para sa booster shots sa susunod na taon kung sakali at nakalagay ito sa kanilang panukalang pondo na tinatalakay naman sa Kamara.


Siguro nga, sa ngayon ay imposible pang magkaroon ng booster shots ang mga nabakunahan na kontra COVID-19, kaya naman panawagan natin sa mga awtoridad, tiyaking mababakunahan muna ang mga Pilipinong hindi pa nakatatatanggap ng unang dose sa mga darating na araw.


Ang importante ngayon ay ang mabakunahan ang mayorya ng mga Pilipino nang sa gayun ay makamit natin ang ‘herd immunity’ sa unang quarter ng susunod na taon.


‘Ika nga, isa-isa lang dahil mahina ang kalaban. Pero hangad nating maisakatuparan muna ang mga plano na mabakunahan ang marami nating kababayan.


Malaking tulong ito bilang panlaban sa malalang epekto ng virus. At kapag mayorya na ng Pilipino ang bakunado, saka natin pagtuunan ng pansin ang pagkakaroon ng booster shots.


Pero sa ngayon, tumutok muna tayo sa mga pangunahing problema at kung paano sosolusyunan at tutugunan ang mga ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page