ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | February 18, 2022
Patuloy ang pagpasok ng magagandang balita para sa ating bansa ngayon. Noong Pebrero 15, 2022 ay sinabi ng Malacañang na nasa low-risk classification na ang National Capital Region at ang buong Pilipinas. Bagama’t hindi tayo dapat maging kumpiyansa, ito ay nagbibigay ng pag-asa na nasa tamang direksiyon tayo patungo sa pag-ahon sa krisis na dulot ng COVID-19.
Batay sa tala ng Department of Health, ang average daily cases mula Pebrero 8 hanggang Pebrero 14 ay mababa ng 56 porsiyento kumpara sa mga kaso noong Pebrero 1 hanggang Pebrero 7.
Sa tantiya ng DOH, kung magpapatuloy ang ganitong trend, sa kalagitnaan ng buwan ng Marso ay baka nasa 83 bagong kaso na lang ang maitala kada araw kung magiging disiplinado ang lahat at susunod sa mga patakaran bilang kooperasyon sa gobyerno at sa buong komunidad.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, nagpapasalamat tayo sa DOH, sa ating mga frontliners, at sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan na nakikipagbayanihan para tuluyan nang masugpo ang COVID-19 pandemic at makabalik na tayo sa normal na pamumuhay.
Unti-unti na rin nating nakakamit ang population protection. Batay ito sa sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Rodrigo Duterte noong Pebrero 14 na sampung rehiyon sa ating bansa ang nakapagbakuna na ng mahigit 70% ng kani-kanilang populasyon.
Kaya patuloy tayong nakikiusap sa mga kababayan natin na hindi pa bakunado pero kuwalipikado, magpabakuna na kayo. Ngayon ay nakikita natin na tanging ang bakuna ang solusyon para tuluyan na tayong makawala sa mga krisis na dulot ng pandemya.
Hanggang noong Pebrero 15, nasa 223,229,820 na ang dumating na bakuna sa Pilipinas.
Ang total doses administered ay umabot na 132,426,394 doses. Sa bilang na ito, 61,331,438 na sa ating mga kababayan ang nakatanggap ng kanilang first dose; 61,828,468 ang fully vaccinated na; at 9,266,488 ang nakatanggap na ng booster shots.
Dahil din sa patuloy na pagbaba ng mga kaso sa ating bansa, nagsisimula na tayong tumanggap muli ng mga turista mula sa ibang bansa.
Nito lang Pebrero 15, batay sa tala ng Department of Tourism ay nagkaroon tayo ng 10,676 foreign travelers mula nang magbukas tayo ng border noong Pebrero 10.
Tandaan po natin na sa turismo, may negosyo at may trabaho.
Kapag muling sumigla ang ating tourism industry, magti-trigger ito ng tinatawag na multiplier effects. Magbubukas muli ang iba pang negosyo, unti-unting makababangon ang service sectors at lalakas muli ang ating ekonomiya.
Kaya patuloy ang ating apela sa mga ahensya ng pamahalaan at LGUs na mas pabilisin pa ang pagbabakuna habang unti-unting nagbubukas ang turismo at iba pang negosyo.
Kailangan po nating mamuhay na kung saan bahagi na nito ang COVID-19. Ang pinakaimportante lang na dapat nating siguraduhin ay huwag bumagsak ang ating healthcare system.
Pero kahit bumababa na ang mga kaso at natatanaw na natin ang “light at the end of the tunnel” ay hindi ko pa rin kinakaligtaan ang aking pangakong 24/7 na serbisyo sa ating mga kababayang nangangailangan ng tulong, lalo na ang mga apektado ng pandemya ang kabuhayan at mga dumanas ng sakuna at ang mga sektor na higit na nangangailangan.
Simula Pebrero 10-17, nakapaghatid ang ating tanggapan ng ayuda sa mga sumusunod na benepisaryo: 1,816 na residente ng Panglao, Trinidad at Bien Unido sa Bohol; 1,000 solo parents mula sa San Pablo City, Laguna, at 1,000 na bangkero sa Pagsanjan, Laguna; 799 micro-entrepreneurs mula sa Bagulin, Burgos, Naguilian, Bacnotan, San Juan, San Fernando City, Luna, Bangar, San Gabriel at Balaoan sa La Union; 125 micro-entrepreneurs sa Tinglayan, Kalinga; 578 indigents sa Quezon City; 750 indigents sa Marikina City; 11,936 na residente ng iba’t ibang barangay sa Carmen, Bohol na hinagupit ng Bagyong Odette; at 400 na biktima ng diarrhea outbreak sa Caraga, Davao Oriental.
Naabutan din ng tulong ang walong pamilya mula sa San Pedro City, Laguna na nasunugan; 44 sa Davao City; 14 sa San Fernando, La Union; 118 sa Tandag City, Surigao del Sur; at pitong pamilyang nasunugan sa Valenzuela City.
Kahit anuman ang mangyari sa pulitika, ipagpapatuloy natin ang serbisyong ating nakasanayan at natutunan kay Tatay Digong—ang walang tigil, walang pili, at walang takot na paglilingkod sa bayan na may buong tapang at malasakit.
Sama-sama nating itawid ang ating bansa tungo sa mas maginhawang buhay. Walang dapat maiwan sa ating pag-ahon sa krisis!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments