top of page
Search
BULGAR

Bakuna ang inaasahang solusyon sa pandemya, pero nasaan na?

ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | January 25, 2021



Nakapasok na sa bansa ang bagong COVID-19 variant na sinasabing mula sa United Kingdom, kaya't aandap-andap na naman ang kalooban ng mamamayan.


In fairness, na-identify naman agad ang carrier ng virus na isa umanong pasahero ng flight na nanggaling sa Dubai. Nagsagawa rin agad ng contact tracing ang mga awtoridad at nahanap ang mga posibleng nakasalamuha ng nasabing pasahero.


Dagdag pa rito ang patuloy na pagdami ng new cases ng impeksiyon kada araw, kaya't hindi maiwasang mainip tayo at magtanong kung kailan nga ba darating ang mga bakuna?


Sa ating mga kalapit bansa, nag-umpisa na ang pagturok sa kani-kanilang mamamayan noon pang Disyembre. Kabilang na riyan ang ating mga kababayan overseas lalo na sa United Arab Emirates na libre ang bakuna kahit sa mga foreign workers nila.


Nitong Sabado lamang, nagpahayag ang Prime Minister ng UK na mas deadly daw ang bagong variant ng coronavirus. Mukhang malayo pa ang katapusan ng pandemya, 'wag naman sana.


Ang bakuna ang inaasahan nating pang-kontrol sa pagkalat ng sakit, pero nasaan na? May pag-asa bang makabili ang Pilipinas ng sapat na dami ng iba't ibang brand ng vaccines na makakatugon sa pangangailangan ng ating populasyon?


Sa mga hearing sa Senado nitong nakaraang linggo, binusisi natin ang plano ng gobyerno tungkol sa vaccination pati na ang procurement process. Bakit nga ba mukhang may pinapaboran na Isang kumpanya kahit hindi pa nag-apply sa Food and Drug Administration para sa Emergency Use Authorization (EUA) pero unang-unang naaprub?


Ipinaliwanag ng Malacañang na matagal nang usapan ni Pangulong Duterte at President Xi Jin Ping na magdo-donate ang China ng bakuna sa Pilipinas kapag nakapasa na ang mga ito sa clinical trials.


Ipinaliwang din ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez na may confidentiality clause ang mga manufacturer ng bakuna tungkol sa presyo, kaya hindi pa ito maisasapubliko sa ngayon.


Pero sa ganang akin, IMEEsolusyon sa pagdududa ng taumbayan ang "transparency" ng kinauukulan at siguraduhing mailalatag sa publiko ang lahat ng detalye sa pinagdaanang proseso. Kasama rito ang mga detalye mula sa pag-angkat hanggang sa magkano ang ginastos at expected arrival, pati na rin kung paano ang distribution at sinu-sino ang unang babakunahan.


Mapagbantay at matinik ang taumbayan at hindi makalulusot ang anumang alingasngas, pero kung magiging bukas ang kinauukulan at detalyadong maipapakita ang mga facts and figures at proseso, tiyak mapapawi ang tanong ng ilan sa atin na "sinovacumita riyan"!

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page