top of page
Search
BULGAR

Bakit umabot sa expiration ang mga bakuna?

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | December 7, 2022


Kamakailan ay pinaalalahanan natin ang Commission on Audit na gawin ang kanilang mandato at suriin ang pondo ng gobyerno na ginamit sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19. Ginawa natin ang ating panawagan sa COA bilang Chair ng Senate Committee on Health at para maging malinaw na rin sa publiko ang isyu tungkol sa mga nabili na bakuna, kasama ang mga sinasabing expire na.


Dapat magsagawa ang ahensya ng kumpletong audit at obligahin ang iba pang kinauukulang sangay ng gobyerno na isumite ang mga kinakailangang dokumento at mga report para makapagbigay-linaw sa publiko. Tandaan, pera ng bayan ang ginastos dito. Bawat piso ay mahalaga para sa mga Pilipino.


Mismong si Department of Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na rin ang nagsabi kamakailan na ang mga dokumentong may kaugnayan sa pagbili sa COVID-19 vaccines ay maaaring ipasa sa ating state auditors.


Maliban sa paggamit ng pondo, gusto rin nating maklaro sa publiko ng mga awtoridad kung ano ang nangyari sa mga bakunang hindi magamit? Ano ang katotohanan, ano ba ang nangyari, bakit nag-expire at kung napalitan na ba ito ng mga bagong bakuna?


Ito ang dahilan kung bakit magkakaroon ng pagdinig ang Senate Blue Ribbon Committee sa susunod na linggo tungkol dito. Bilang Vice-Chair ng Blue Ribbon at Chair ng Committee on Health, susubaybayan at tututukan din natin ito.


Importanteng masilip ang mga ito dahil patuloy pa rin ang ating isinasagawang pagbabakuna at pagbibigay ng booster shots para mas protektado ang ating mga kababayan, dahil and'yan pa rin ang banta ng COVID-19. Hindi tayo dapat magpakumpiyansa, lalo pa't patuloy na may sumusulpot na bagong variants.


Suyurin dapat ang bawat sulok ng bansa para masigurong makarating sa mga tao ang bakuna at hindi ito masayang. Ipaintindi rin natin na ang bakuna ang tanging solusyon upang makabalik tayo sa normal na pamumuhay. Mas protektado ang mga Pilipino kung bakunado!


Napakahalaga na malaman ng mga Pilipino, kung saan napupunta ang pera ng bayan. Pera ito ng taumbayan — na ang bawat piso, bawat sentimo ay napakahalaga at dapat napupunta kung saan ito talaga nakalaan. Hindi ito dapat masayang para mapakinabangan ng tao lalo na ng mga mahihirap at walang ibang matatakbuhan.


Nagpapasalamat tayo sa DOH na nagsabing ginagawa nila ang inisyatiba para matiyak na ang pondo ng gobyerno na ginamit sa pagbili ng COVID-19 vaccines ay nagamit nang maayos. Paghandaan na rin dapat ang pagbili ng bivalent vaccines na sinasabi ng mga eksperto na mas mabisa kontra sa mga bagong variants ng virus, at maaari nang ibakuna sa ating mga kababayan sa unang quarter ng 2023.


Samantala, gusto nating samantalahin ang pagkakataon para pasalamatan ang lahat na patuloy na sumusuporta at nagtitiwala sa atin.


Batay sa resulta ng Tugon ng Masa (TNM) 2022 Fourth Quarter survey, na isinagawa ng OCTA Research ay nakakuha ang inyong lingkod ng 74% overall trust rating noong October 2022. Mas mataas po ito ng 24% kumpara sa ating December 2021 rating na 50%. Ang atin namang October 2022 performance rating ay 71%, na mataas din kumpara sa ating December 2021 rating na 50%.


Maraming salamat sa pagtitiwala at maaasahan ninyo na patuloy ang pagseserbisyo lahat sa abot ng aking makakaya. Tao na lang ang maaaring humusga sa resulta ng ating mga inisyatiba, partikular sa sektor ng kalusugan kung saan ipinaglaban natin ang 153 Malasakit Centers, kasalukuyang pagtatayo ng Super Health Care Centers at pagpasa ng iba’t ibang hospital bills and health measures bilang bahagi ng ating layunin na ilapit sa tao ang serbisyong dapat nilang makuha.


Magsisilbing inspirasyon at motivation natin ang tiwalang patuloy na ibinibigay ninyo sa akin upang hindi tumigil sa pagseserbisyo dahil naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page