ni Janiz Navida @Showbiz Special | Dec. 24, 2024
Photo: Atong Ang at Sunshine - Circulated
Maraming nagulat nang finally ay aminin ng rich businessman na si Mr. Atong Ang na may relasyon na nga sila ng super blooming ngayon na si Sunshine Cruz, bagama’t last year pa nakarating sa amin ang bulung-bulungan na ipinagpatayo nga ng bahay ng negosyante ang dating misis ni Cesar Montano sa bandang Alabang.
Dahil sa pagkumpirma ni Atong (Wow, parang close kami, ha? Char!) sa isang interview sa relasyon nila ni Sunshine, naging paborito na tuloy silang topic ngayon sa socmed at bawat kilos nila ay binabantayan ng mga Marites.
Matapos ngang mag-viral ang paghalik ni Sunshine kay Atong, may iba pang kissing video nila ang kumalat sa mga reels kung saan ang negosyante naman ang lumapit at humalik sa labi ni Shine at mukhang proud na proud nga itong idinidispley sa sabungan ang kanyang pagkaganda-ganda at pagka-sexy-sexy naman kasing girlfriend na animo’y hindi nanganak ng tatlong Maria.
At tila nga lucky charm si Sunshine dahil mukhang laging maganda ang mood ni Atong, lalo na siguro kung madalas manalo ang manok nito.
Bukod sa mga kissing videos ng dalawa sa sabungan, viral din ang pagkanta ni Atong
Ang ng Bakit Ngayon Ka Lang sa isang party na hitsurang hinaharana pa ang katabing si Sunshine na kilig-kiligan naman.
Well, may nakapag-chika sa amin na hindi pa annulled si Mr. Atong Ang sa legal wife nito, pero may 15 yrs. na raw silang hiwalay at hindi naman si Sunshine ang unang taga-showbiz na na-link sa super rich businessman.
Pero mukhang inlabey nga talaga si Atong kay Shine dahil sa dami nga ng na-link sa kanya — na ang pinakahuli ay si Gretchen Barretto — ang byuti at flawless na aktres lang ang inamin niya.
“Ang Sunshine ni Atong”, bow!
‘Di na raw mapaghiwalay pero…
DOMINIC AT SUE, KANI-KANYA SA PASKO
Medyo pumayat si Dominic Roque nang makita namin sa premiere night ng The Kingdom last Friday bilang suporta of course sa ‘apple of the eye’ niya ngayong si Sue Ramirez.
Pawisan pa si Dominic nang lumakad sa red carpet kasama si Marco Gumabao na of course, nandu’n din to support Cristine Reyes na kasama rin sa 50th MMFF official entry nina Bossing Vic Sotto at Piolo Pascual na palabas na simula bukas, Dec. 25, sa mga sinehan nationwide.
Tinanong namin si Dominic kung ‘yung paghalik ba ni Sue sa kanya sa Siargao ay sign na ng ‘yes’ nito kaya ngayon ay magdyowa na sila, pero todo-tanggi pa rin ang ex-fiance ni Bea Alonzo.
Aniya, bagama’t na-shocked din siya at natawa na lang sa biglang pag-kiss ni Sue, hindi pa raw sila, although inamin niyang happy siya na exclusively dating sila ngayon.
At kahit ilang beses na silang nakitang magkasama sa ilang events, this Christmas ay hiwalay daw silang magse-celebrate kasama ang kani-kanilang pamilya.
Pero may kasabihang “Love finds time” kaya ‘wag na tayong magulat kung makita nating bigla na magkasama pa rin sila sa Araw ng Pasko.
Concert, pinilit tapusin kahit ‘di pure ang energy… GARY V., HINALIKAN ANG SAHIG NG ARANETA
Big thanks sa aming sister na si Chuck Gomez sa ibinigay niyang tiket para sa Pure Energy: One More Time concert ni Mr. Pure Energy Gary Valenciano sa Smart Araneta Coliseum last Sunday night.
Last Friday (Dec. 20) ang unang gabi ng repeat ng concert ni Sir Gary sa Smart Araneta, pero hindi nga nito natapos dahil sumama ang kanyang pakiramdam at isinugod siya sa ospital.
Marami ang nag-worry para kay Gary V. na baka hindi nito kayaning ituloy at tapusin ang concert lalo’t nasa recovery period pa siya.
In fact, sa opening pa lang ng Pure Energy: One More Time kung saan kinanta niya ang Shout for Joy, naramdaman na ng mga nanonood na hindi “pure energy” ang ibinibigay ni Gary dahil hindi ito kasinglikot tulad ng dati sa kanyang mga dance moves.
Halatang-halata na hindi todo-bigay ang kanyang boses sa pagkanta at nawala rin ang mga pamatay niyang dance moves na kanyang-kanya lang.
Naging emosyonal din si Gary nang kantahin ang The Warrior Is a Child at nahalata namin sa boses nitong medyo nag-crack na teary-eyed na siya.
But still, sobrang na-appreciate ng mga fans ni Mr. Pure Energy ang matinding effort nito at malaking faith kay Lord na sa kabila ng napaka-challenging niyang pagpe-perform that night, kinaya niyang tapusin ang concert kung saan sa bandang dulo ay parang itinodo na niya ang kanyang natitirang “energy” at humataw pa rin ng sayaw kasama ang A-Team Dancers, The Manoeuvres, anak na si Gab Valenciano, AC Bonifacio at si Darren Espanto.
Sa bandang huli, ang mga fans naman ni Gary ang naging emosyonal — kasama na kami — nang halikan niya ang sahig ng stage bago tuluyang nagpaalam sa mga nanonood na gusto mang humirit ng “More! More!” siguro naman ay naramdaman nila ang pagod at sakripisyo ni Mr. Gary V. para lang matapos nang buo ang concert.
Ang iniwang pangako ni Gary, hindi pa siya magre-retire, pero tiyak na mas magiging maingat siyang lalo ngayon sa kanyang health, kaya baka medyo matagalan pa bago uli masundan ang kanyang concert.
Well, para sa amin, icon na ang isang Gary V. kaya wala na siyang dapat patunayan. Mas dapat niyang pahalagahan ang kanyang kalusugan para magamit pa niya sa ibang bagay at pagkakataon ang kanyang “PURE ENERGY” tulad sa paglilingkod sa Panginoon at pag-discover ng mga potensiyal na sumunod sa kanyang yapak bilang Mr. Pure Energy ng ‘Pinas!
Comments