top of page
Search
BULGAR

Bakit kailangang itaas ang SSS contribution rate ngayong may pandemya?

@Buti na lang may SSS | January 10, 2021


Dear SSS,

Magandang araw. Nabalitaan ko na mula ngayong Enero ay tataas ang hulog sa SSS. Nais kong itanong kung bakit kailangang itaas ang SSS contribution rate? – Carla ng Tatalon, Quezon City


Sagot

Napapanahon ang iyong katanungan dahil ngayong Enero ay ipinatupad na ng SSS ang ikalawang bugso ng pagtataas ng SSS contribution rate. Kaya mula sa dating 12%, ito ay aangat sa 13%.


Marami ang nagtatanong kung bakit kinakailangang itaas ng SSS ang contribution rate ngayong mayroong pandemya. Nauunawaan ng SSS ang kalagayan na kinahaharap ng mga miyembro dahil maging ang SSS at mga kawani nito ay lubha ring naapektuhan ng pandemya. Subalit, kailangang ipatupad ng SSS ang isinasaad sa Republic Act 11199 o ang Social Security Act of 2018.


Inaatasan ng nasabing batas ang SSS na magpatupad ng 1% na pagtataas ng contribution rate kada dalawang taon hanggang sa maabot nito ang 15% contribution rate sa 2025. Ayon sa batas, ang pagtataas ay dapat ipatupad sa Enero ng 2019, 2021, 2023, at 2025. Dahil dito, kailangang sundin ng SSS ang itinakda sa batas na pagtataas ng contribution rate ngayong Enero 2021.


Nais naming ipaunawa sa aming mga miyembro na ang SSS ay tagapagpatupad lamang ng RA 11199 at wala itong kapangyarihan na baguhin ang mga probisyon na isinasaad nito. Maaari lamang ipagpaliban ang nasabing pagtaas ng contribution rate sa pamamagitan ng pagpapasa ng batas na mag-aamyenda sa RA 11199. Kung makapagpasa ang Kongreso at lagdaan ng Pangulo ang batas na magpapaliban sa nasabing pagtataas ay tatalima ang SSS at ipatutupad ito bilang implementing agency.


Bukod dito, nais din naming samantalahin ang pagkakataong ito na ipaliwanag ang kahalagahan ng pagtaas ng SSS contribution rate. Napakahalaga ng nasabing pagtaas upang pahabain ang buhay ng pondo ng SSS. Ang haba o ikli ng buhay ng pondo ang nagdidikta kung hanggang kailan kayang bayaran ng SSS ang benepisyong nakatakda para sa mga miyembro nito.


Nais lamang naming ibahagi na noong ipinatupad ang P1,000 na dagdag-benepisyo para sa mga pensiyunado noong 2017, natapyasan ang buhay ng pondo ng 10 taon. Sapagkat ang nasabing pagtataas ng pensiyon ay walang kaakibat na pagtataas ng kontribusyon. Bunga nito, naghanap ang SSS ng paraan upang hindi manganib ang buhay ng pondo. Kaya itinuturing naming isang landmark legislation ang RA 11199.


Dapat nating tandaan na pangmatagalan ang commitment ng SSS sa mga miyembro at pensiyunado nito. Kaya, napakahalaga na mapahaba ng ahensiya ang buhay ng pondo upang lubos na mapakinabangan ng kasalukuyan at darating pang mga miyembro, pensiyunado at benepisaryo ang mga SSS benefits.

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page