ni Mharose Almirañez | December 4, 2022
Pumasok na ang buwan ng Disyembre, kung saan ilang tulog na lamang ay Pasko na. Ang tanong, may budget ka pa ba para sa parating na 2023?
Palagi nating ipinapaalala na huwag maging ubos-biyaya tuwing Pasko, sapagkat mayroon pang New Year na mas dapat paghandaan. ‘Yung tipong, lahat ng pampasuwerte para sa Bagong Taon ay inihahain natin sa lamesa para lamang ma-manifest ang good luck.
Ang 2023 ay Year of the Water Rabbit. Batay pa sa Chinese culture, ang taong ito ay isang taon ng pag-asa. Isang simbolo ng mahabang buhay, kapayapaan at kasaganaan. Kaya naman, upang tuluyang ma-manifest ang suwerte ay maaari mong salubungin ang Bagong Taon sa pamamagitan ng mga sumusunod:
1. MAGSUOT NG POLKA DOTS. Ang polka dots ay kahugis ng barya. May kasabihang maa-absorb mo ang pagkakaroon ng maraming pera kapag nakasuot ka nito tuwing bisperas ng Bagong Taon. Mas masuwerte rin daw kung kulay pula ang iyong damit.
2. MAGPABARYA NG PERA. ‘Yun bang, papapalitan mo ng tagpi-piso, tagli-lima, tagsa-sampu hanggang tagbe-bente ang iyong mga kaperahan. May kasabihan din kasing kapag mas maraming barya sa bulsa ay mas lalapit sa ‘yo ang pera next year.
3. PAGHAHAIN NG PRUTAS NA BILOG. Labindalawang bilog na prutas ang inihahain sa hapag tuwing New Year, katumbas nito ang labindalawang buwan ng suwerte. Kumbaga, isang buong taon mong mararanasan ang suwerte. Simbolo ito ng peace, harmony, fortune, happiness, love, health and money.
4. PAG-IINGAY. Dumadagundong na sound system, kumakalansing na takip ng kaldero, kaserola, nagkikiskisang sandok, at kung anu-ano pang pag-iingay na puwedeng gawin para lamang i-welcome ang Bagong Taon. The more na maingay, the more mong maa-absorb ang lahat ng positive energy ng 2023. Sa paraang ito ay mawa-wash out ang lahat ng negativity na pinagdaanan mo ngayong 2022.
5. FAMILY GATHERING. Tulad ng Pasko, pamilya ang dapat makasama tuwing may mga espasyal na okasyon, kabilang na rito ang Bagong Taon. Kung sama-sama n’yong sasalubungin ang 2023, magandang simula ito para mas maging strong ang inyong family bond. Walang away-pamilya. Walang may sakit sa pamilya. Walang malalagas sa pamilya.
Bagama’t kahit na bawal ay may ilan pa ring pasaway na patuloy sa pagpapaputok. Kaya naman patuloy nating pinaaalalahanan ang bawat isa na mag-ingat sa paputok. Hindi natin masasabi ang panganib na dala nito at kahit na sabihin na marunong ka namang magpaputok, mahirap pa ring ilagay sa alanganin ang iyong buhay.
Ngayong tuluyan na tayong nakabalik sa normal, sana ay huwag na maulit ang nagdaang pandemya kung saan maging ang pagtitipon tuwing may espesyal na okasyon ay ipinagbawal. Let’s spread love, not germs, ‘ika nga.
So advance Merry Christmas and Happy New Year, beshie.
More blessings to come this 2023!
Comments