ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 27, 2022

Magkakaalaman na kung sino ang mas matigas na mandirigma sa pagitan nina Map Soberano at Mister Mainit sa tampok na laban ng “URCC 80: Bare Madness”, ang pinakabagong handog ng Universal Reality Combat Champion (URCC) ngayong Huwebes ng gabi sa XYLO at the Palace sa Bonifacio Global City, Taguig. Ito ang pormal na pagpapakilala ng Bareknuckle Fighting ng nangungunang Pinoy Mixed Martial Arts promotion at tiyak na ibang antas ng aksiyon ang hatid ng kabuuang pitong laban simula 7 p.m.
Patungo sa araw ng laban ay naging personalan ang hamunan nina Soberano at Mainit o Kenneth Serrano sa totoong buhay. Nangako si Soberano na maghihilamos ng sarili niyang dugo si Mainit.
Lalong nagalit si Soberano matapos maliitin ni Mainit ang trabaho niya bilang rider kung hindi abala sa ensayo. Susunugin daw ni Mainit si Soberano sa pamamagitan ng kanyang umaapoy na kamao.

Bago ang salpukang Soberano-Mainit ay magkakaroon ng tatlo pang laban sa Bareknuckle. Haharapin ni Kimbert Alintozon si JV Baldonasa (125 lb), Ronnel Esperas laban kay Elias Duran (145 lb) at Marvin dela Cruz kontra Rocky Vergara (125 lb).
Magkakaroon din ng mga laban ng tradisyunal na MMA sina Ruel Catalan at Edrion Macatangay (125 lb). Susunod ang paghaharap nina John Ornido at Janedie Bernardo at Jayson Margallo kontra Wilson Managuio na parehong sa 135 lb.
Nilinaw muli ni URCC founder Alvin A. Aguilar na magpapatupad sila ng mahigpit na health at safety protocol sa lahat ng laban. Tiyak na mas delikado ang labanan na walang suot na glove o kahit na anong balot ang mga kamao kaya may nakaantabay na doktor at ambulansiya. Nais ni Aguilar na sumikat ang Bareknuckle sa Pilipinas kagaya sa U.S. at Europa.
Yorumlar