ni Mylene Alfonso | April 25, 2023
Sa lalong madaling panahon maglalabas ng desisyon ang kasalukuyang administrasyon kaugnay sa magiging desisyon sa hirit na ibalik sa Marso ang bakasyon ng mga estudyante ngunit marami pa rin kailangang ikonsidera lalo na ang pabagu-bagong lagay ng panahon sa bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., pinag-aaralan pang mabuti ng pamahalaan ang pagbabalik ng dating school calendar dahil natapos na rin ang lockdown sa COVID-19 pandemic.
"Pinag-aaralan natin nang mabuti ‘yan dahil nga marami nga nagsasabi, puwede na tapos na ‘yung lockdown, karamihan na ng eskuwela face-to-face na. Kakaunti na lang ‘yung hindi na," wika ni Marcos sa isang panayam.
"Hindi maikakaila aniya na kapag tinatanong ang mga estudyante kung ano ang nami-miss nila, ang sagot ng mga ito ay ang eskuwelahan at ang mga kaklase," pahayag pa niya.
Gayunman, sinabi ng Pangulo na kailangan pa rin ikonsidera ang mga kaso ng COVID-19 dahil tumataas na naman ang bilang ng mga nagpopositibo at ang matinding climate change sa bansa.
"Pero palagay ko, ‘yang diskusyon na ‘yan madedesisyunan ‘yan very soon on what will be the — ano ‘yung tama. Binabagay kasi natin talaga ‘yan sa ano eh — binabagay natin ‘yan sa seasons eh. ‘Yun ang naging problema, kung ibabalik o hindi dahil hindi nga — hindi na masabi kung kailan mag-uumpisa ang ulan, kung kailan magiging mainit,” saad ni Marcos.
"So, it’s not a simple as you would imagine na akala mo, palitan natin dahil wala na ‘yung lockdown. Nagbago pati ‘yung weather eh. ‘Yun ang isa pang problema na tinitingnan natin na kailan," dagdag pa ng Punong Ehekutibo.
Comments