ni Mai Ancheta | June 22, 2023
Nagpatupad ng mabilisang paglilikas ang mga operatiba ng Digos City Disaster Risk Reduction and Management Office sa mga residente ng 12 barangay dahil sa pagbaha at landslide nitong Martes ng gabi sa Digos City, Davao del Sur.
Ang pagbaha ay epekto umano ng mga pag-ulan dulot ng Inter-Tropical Convergence Zone o ITCZ na nagdulot ng pagbaha sa ilang mga barangay sa bayan ng Sta. Cruz at Digos City.
Batay sa report, naapektuhan ng landslide ang tatlong bahay sa Bgy. Kapatagan at nakaiwas sa peligro ang mga nakatirang pamilya dahil sa maagap na pagpapalikas sa mga ito bago pa man gumuho ang lupang kinatayuan ng tatlong bahay.
Tumaas din ang tubig sa mga kalsada sa bayan ng Sta. Cruz kung saan maraming mga motorista ang na-stranded sa highway, habang nagmistulang ilog naman ang mga kalsada sa isang barangay sa bayan ng Bansalan dahil sa mataas na tubig-baha.
Maging sa bayan ng Matanao ay umapaw din ang tubig-baha at marami ring mga motorista ang na-stranded.
Inaalam na ngayon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ang lawak ng pinsalang idinulot ng baha at landslide sa nabanggit na mga lugar.
Comments