ni Thea Janica Teh | October 16, 2020
Lumabas na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Ofel ngayong Biyernes, ayon sa PAGASA.
Napanatili nito ang lakas sa maximum sustained wind na 45 kilometers per hour (kph) at may bugso ng hangin sa 55 kph.
Namataan kaninang alas-4 ng madaling araw ang bagyong Ofel sa 500 kilometers west ng Iba, Zambales.
Inaasahang papunta na ito sa gitnang bahagi ng Vietnam na hihina rin at magiging low pressure area.
Samantala, magiging maulan pa rin ang ilang bahagi ng Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas, Northern Mindanao, Bangsamoro at Zamboanga Peninsula dahil sa habagat.
Bukod pa rito, makararanas na ng maulap na panahon ang Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Ilocos Region at Central Luzon. Inaasahan din na magiging maganda na ang panahon sa Metro Manila.
Comments