ni Mai Ancheta @News | October 2, 2023
Lalong lumakas ang tropical storm Jenny na magdadala ng mga pag-uulan sa ilang bahagi ng Central at Southern Luzon, Visayas at Mindanao sa susunod na tatlong araw.
Batay sa inilabas na abiso at pagtaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), magpapatuloy ang pagpapalakas ng
Bagyong Jenny sa habagat na magdadala ng pag-ulan.
Naispatan ang bagyo sa silangang bahagi ng Tuguegarao City sa Cagayan na may lakas na hanging 95 kilometers per hour hanggang 115 kph.
Posibleng itaas ang wind signal sa Northern Luzon sa sandaling maabot ni Jenny ang typhoon category.
Nilinaw naman ng PAGASA na hindi direktang tatama ang bagyo sa bansa subalit aasahang magdadala ito ng malakas na mga pag-ulan sa Batanes, Babuyan Islands, at hilagang bahagi ng Cagayan at Apayao sa Martes o Miyerkules.
Ayon sa PAGASA, palalakasin ng Bagyong Jenny ang habagat na magdadala ng mga pag-ulan sa bahagi ng Palawan at Occidental Mindoro sa susunod na tatlong araw, habang malakas na hangin naman ang mararanasan sa Romblon at sa Visayas.
Comments