ni Mai Ancheta @News | July 17, 2023
Isa na namang namumuong sama ng panahon ang namataan ng PAGASA sa silangang bahagi ng Mindanao na maaaring maging bagyo kapag pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kapag lumakas at nakapasok sa PAR sa Martes, tatawagin itong Bagyong Egay.
Lalakas din ang habagat sa kalagitnaan ng susunod na linggo dahil sa masamang panahon na maaaring higupin ng low pressure area mula sa silangan patungo sa direksyon ng Luzon.
Bagama't nakalabas na ang Bagyong Dodong, sinabi ng PAGASA na makararanas ang bansa ng hindi kagandahang panahon dahil sa patuloy na pag-iral ng habagat at magdadala ito ng mga pagkulog at pagkidlat sa Metro Manila at ilang bahagi ng Luzon.
Makararanas naman ng mga manaka-nakang pag-ulan sa ilang bahagi ng Visayas dahil sa southwest moonsoon, habang ang Mindanao ay makararanas ng mga pag-ulan.
Nananatili namang lubog sa baha ang ilang lugar sa bansa pati na sa Metro Manila dahil sa iniwang buhos ng ulan ng Bagyong Dodong.
Коментари