ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | April 19, 2021
Hindi natin akalain na summer season pero bigla na lang may dumating na bagyo, nag-iiba na nga ang takbo ng ating mundo. Hindi naman tag-ulan pero biglang may tropical storm at sabi ng PAG-ASA kapag lumakas pa ay magiging super typhoon ang Bising, huwag naman sana. Mag-ingat po ang ating mga kapatid sa Kabikulan at iba pang bahagi ng Samar dahil diyan hahagupit ang bagyo ngayong araw. Paano tayo maging handa sakaling tumindi ang pagbaha.
1. Linising mabuti ang dalawang malalaking plastic drum o malinig na jugs at hugasan sa klorox para mapaglagakan ng tubig. Punuin ng tubig na puwedeng mainom. Maghanda ng mga kumot, flashlight, flare gun, vests, lubid, gloves, at first aid kid, ilagay ito sa isang ligtas na wet bag.
2. Maghanda rin ng malalaking balsa o raft o anumang sasakyang pantubig, bangka o de motor. Itupi ang raft at ilagay sa isang bundle. Isama ring itali ang portable air compressor sa raft para may pambomba ng hangin. Magtali rin ng 2 talampakang lubid sa raft at bag kit. Ilagak ang mga ito sa pinakamataas na bahagi ng bahay, pulbusan ang lahat ng ito ng baby powder para ma-preserba ito. Maglagay din ng deacons sa paligid nito o maging sa ibaba nito para hindi makalapit ang anumang daga o bubuwit o ipis para hindi ito makagat.
3. Kapag mayroong baha at na-trap ka sa loob ng bahay, agad na umakyat sa 2nd floor. Wasakin na ang anumang butas sa bubungan, kasing laki ng puwedeng daanan ng raft/bag kit. Magsuot na ng goggles kaagad.
4. Bombahin na agad at punuin ng hangin ang raft, magsuot na rin ng safety vests. Manatili sa bubungan hanggang sa sumapit ang ‘di inaasahan.
5. Kung kailangan nang lumusong sa tubig sa lugar na malayo sa malakas na agos ng tubig ipaanod ang raft habang nakasakay ang buong pamilya. Ito’y para hindi ka tumama sa mismong bahay ninyo at ma-trap pa sa kung saang lugar.
6. Isakay na lahat ng loveone sa rafts. Itali na agad sa pinakamalapit na pinakamataas na punong-kahoy ang lubid habang hawak ng buong pamilya. Pumuwesto sa tabing puno na hindi inaagusan ng malakas na tubig. Pumili ng mas matibay na punong kahoy, huwag magtatali sa poste ng kuryente.
7. Kung may dala kang flare gun, mainam ito para makahanap ng liligtas na chopper kung papuputukin mo ito bilang hudyat ng paghingi ng tulong.
8. Maghintay habang palutang-lutang sa raft hanggang sa kayo ay mailigtas. Huwag bababa sa tubig, dahil baka tangayin ka ng iba pang lakas ng agos patungo sa delikadong mga lugar.
9.Pagtali-taliin ang mga sarili, huwag itali ang sarili sa raft.
10. Manatiling nakasakay sa raft.
11. Oo, napakalamig dahil basang-basa ka ng tubig ulan at baha, pero ang responsibilidad mo ay unahin ang iyong buong pamilya. Huwag silang iwanan kahit anong mangyari para lang magligtas ng iba pa, hayaan na gawin na lang ito ng rescuers.
12. Manatili sa mas hindi malakas na agos ng tubig sa mga gilid ng gusali at puno para manatiling ligtas.
Comments