ni Seigusmundo Del Mundo - @Panaginip, salamin ng inyong buhay | November 12, 2020
Salaminin natin ang panaginip ni Totsie na ipinadala sa Facebook Messenger.
Dear Professor,
Inabutan ako ng malakas na hangin ng bagyong Rolly sa gitna ng highway.‘Yung sasakyan ko ay tinatangay na ng malakas na hangin pero hindi naman napunta sa malayo.
Takot na takot ako at hanggang sa magising ako ay takot pa rin ako. Palaging laman ng isip ko ang panaginip kong ito.
Naghihintay,
Totsie
Sa iyo, Totsie,
Sa panaginip, makikitang hindi ka nakinig sa mga babala ng awtoridad. Malayo pa lang ang bagyo, sila ay nagbabala na at habang lumalapit ang bagyo, dumadalas pa ang pagsasabi ng babala.
May mga taong kahit alam na may paparating na malakas na bagyo ay lumalabas pa rin ng bahay dahil siguro sa mas mahalagang layunnin kaysa sa sariling kapakanan.
May mga tao namang likas na mahilig makipagsapalaran dahil nabuhay na yata sa pakikipaglaro sa kapalaran.
Anuman ang naging dahilan kung bakit ka nasa labas ng bahay at nagda-drive sa iyong panaginip, next time, sa tunay na buhay ay makinig ka sa babala at payo ng mga awtoridad.
Gayunman, sinasabi ng panaginip mo na dumating na ang takdang panahon na ang takbo ng kapalaran mo ay parang binabagyo, pero huwag kang mabahala dahil ang nakasakay sa sasakyan habang may malakas na bagyo ay tumutukoy sa binabagyo ng magagandang kapalaran para sa nanaginip.
Hanggang sa muli,
Professor Seigusmundo del Mundo
Comments