ni V. Reyes | March 13, 2023
Tinatayang nasa P24 milyon ang halaga ng naging pinsala ng sunog na tumupok sa bahagi ng Baguio City Public Market, Sabado ng gabi.
Ayon sa Baguio City Public Information Office, bandang alas-11 ng gabi nang sumiklab ang sunog habang alas-4:38 ng Linggo ng madaling-araw nang tuluyang maapula.
Nabatid naman mula kay Baguio City Fire Marshal Supt. Marisol Odiver na nagsimula ang apoy sa Block 4 ng nasabing palengke na ikinatupok ng lahat ng paninda sa bloke na ito at nadamay din ang malaking bahagi ng Block 3 at Caldero section.
Patuloy pang sinisiyasat ang dahilan ng sunog habang wala namang napaulat na nasugatan o nasawi sa insidente.
Sinabi ni City Market Superintendent Ceasar Emilio na mananatiling bukas ang palengke maliban sa mga bahagi na nasunog.
Tiniyak din nito na mamadaliin ang relokasyon ng mga apektadong nagtitinda upang makabalik agad sa operasyon.
Comments