ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | July 20, 2023
Isinagawa ngayong Huwebes, July 20, ang topping-off ceremony para sa ipinapatayong New Senate Building (NSB).
Ang “topping-off” ay isang tradisyon sa konstruksyon na gumugunita sa pagkumpleto sa structural frame ng isang gusali. Sa seremonyang ito ay ikinakabit ang huling structural beam ng gusali.
Sinamahan tayo ng mga dati at kasalukuyang Senador sa seremonya, kabilang sina Senate President Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Senate Majority Leader Joel Villanueva, at Senators Cynthia Villar, Grace Poe, JV Ejercito, Ronald Dela Rosa, Bong Revilla, Raffy Tulfo, at Mark Villar. Dumalo rin sina former Senate President Tito Sotto, at former Senators Ping Lacson at Ralph Recto.
Ang Bagong Senado ay itinatayo sa Fort Bonifacio, Taguig City.
☻☻☻
Ang NSB ay naglalayong maging isa sa mga unang green building-certified na government facility sa ilalim ng Building for Ecologically Responsive Design Excellence (BERDE) Program.
May mga sustainable features ang gusali, gaya ng energy-efficient systems, water conservation measures, at gumagamit din ito ng mga eco-friendly materials. Dahil sa integrated smart technology ay inaasahang mas mababa ng 30 hanggang 50 percent ang konsumo nito ng kuryente kaysa standard na mga gusali.
Magiging mas accessible rin ito para sa madla at sa mga Persons with Disability.
☻☻☻
Si Sen. Lacson, na dating chairman ng Committee on Accounts na pinamumunuan natin ngayon, ang nagsimula ng pagsisikap na ipatayo ang Bagong Senado.
Limitado na kasi ang espasyo sa kasalukuyang gusaling nirerentahan ng Senado mula sa Government Service Insurance System. Rumerenta rin ang Senado mula sa Social Security System ng parking lot.
Base sa pag-aaral, mula May 1, 1996 to December 31, 2017 ay umabot na sa P2.24 billion ang binabayarang renta ng Senado.
☻☻☻
Makahulugan ang topping-off ceremony na ito dahil sumisimbolo ito ng muling pagbangon mula sa pandemya. Naantala ang konstruksyon ng Bagong Senado dahil dito.
Ngunit ngayon, umaarangkada na tayo muli.
Target ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni SP Zubiri na buksan ang Session sa July 2024 sa Bagong Senado.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na patuloy pa ring mag-ingat sa paglabas ng bahay, magsuot ng face mask, ugaliing maghugas ng kamay, bigyang halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal. Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments