ni Mylene Alfonso @News | September 19, 2023
Nagtakda ng bagong price cap ang National Food Authority (NFA) Council na pinamumunuan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., para sa pagbili ng palay bilang tugon sa pagbabago ng produksyon at kondisyon ng merkado upang mapabuti ang kita ng mga magsasaka at tiyakin ang sapat na suplay nito.
“Nagtawag ako ng meeting ng NFA Council para tingnan ang paanong puwedeng gawin para ang presyo ng pambili ng NFA sa palay, ‘yung wet at saka ‘yung dry, ay kailangan nating tingnan dahil nagbago na ang sitwasyon,” pahayag ni Marcos matapos ang pulong.
“At ganoon nga ang pinag-meeting-an namin at nag-decide kami na ngayon ang buying price ng NFA mula ngayon ay sa dry ay 19 to 23, ang wet ay magiging 16 to 19. Iyon ang naging desisyon ng mga NFA Council,” sabi ng Pangulo.
Ayon sa Punong Ehekutibo, bumuo ng bagong price range ang council sa pagbili ng palay upang bigyan ang mga magsasaka ng mas magandang kita at makatwirang gastos sa produksyon ng palay sa kasalukuyan.
“So, mayroon na silang pagkikitaan. At bukod pa roon, nand'yan na ‘yung price cap para maikalma natin itong nangyayari sa rice prices,” diin pa niya.
Binanggit ng NFA na ang orihinal na inirekomendang P20 at P25 na presyo ng pagbili ng palay ay masyadong mataas kung saan tataas ang presyo naman ng tingi.
Habang ang bagong napagdesisyunan na price cap ay binabalanse nito ang tubo ng mga magsasaka at hindi gaanong makaaapekto sa presyo ng tingi.
Kung ang bagong presyo ng pagbili ng dry palay ay nasa P23, ang procurement fund na kailangan ay P15 bilyon sa maximum, habang kung ito ay pumalo sa P25 ay P16 bilyon naman ang kakailanganin para sa palay procurement.
Kaugnay nito, sinigurado ng NFA na hindi papasok sa merkado ang inangkat na bigas na magsisilbing buffer stock kung saan batay sa naunang pagtalakay nito, ang buffer ay para lamang sa mahihirap.
Kasabay nito, inihayag ng NFA na tinitingnan din nito ang pagbibigay ng physical rice stock sa halip na cash assistance.
Sa panig ng Department of Agriculture (DA) susuportahan nito ang panukala ng NFA ngunit nasa P23 ang kada kilo kung saan kuntento na umano ang mga magsasaka sa P22 o P23 dahil binabayaran na sila ngayon ng P16-P19 at ipinunto na ang presyo na P25 ay masyadong mataas.
Nang tanungin ng Pangulo ang magiging epekto sa nasabing presyo na pagbili ng NFA gayundin ang reaksyon ng publiko, sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) chief Secretary Arsenio Balisacan na sa farm gate level, itutuon ang NFA procurement sa mga lugar kung saan mayroong labis na suplay hinggil sa local demand.
“In that case it can help elevate farm gate price,” dagdag pa ni Balisacan.
Comments