ni Imee Marcos - @Imeesolusyon | May 17, 2021
Dahil may pandemya, ‘new normal’ na tayo at nag-iiba na rin ang paraan ng pagnenegosyo. Marami ay online na, at ang mga sektor na agriculture-agrarian reform o agri-agra na tinatawag ay nahuhuli na. Ang iba nga, wala pa talagang nalalaman sa mga online-online na ‘yan.
At dahil nga may pandemya, hirap talaga ang ating mga magsasaka, mangingisda at benepisaryo ng agrarian reform na binigyan ng gobyerno ng lupa. Kahit may mga inani man sila, hirap na makarating sa dapat nitong destinasyon, dahil nga sa mga lockdown.
Hindi naman maitatangging maraming inaning gulay ang nasayang noong kasagsagan ng super-higpit na mga lockdown, eh, hindi naman natin ma-push sa ating mga magsasaka na gumamit ng teknolohiya tulad ng computers at wifi na bukod sa wala pa silang alam duon, wala rin silang badyet o pondo.
Wala rin naman kasi silang napapala sa mga pautang ng ating gobyerno at mga bangko na sagad to the max ang rekisitos o requirements para maka-loan sana sila para dito. Eh, mas pinipili pa kasi ng mga bangko na magbayad ng penalty kaysa dagdagan ang pautang sa mga nanghihiram na mga taga agri-agra.
May penalty kasi sa mga bangkong ayaw sumunod sa lebel ng pagpapautang na nakasaad sa batas, na dapat 25% ng lahat ng pondo nila para sa mga loans o pautang ang mapupunta sa mga taga agri-agra.
Kung hindi natatakot ang mga bangko, pwes, IMEEsolusyon natin d’yan ay itaas ang penalty mula 0.5% hanggang 2%. Ibig sabihin, sa bawat milyong piso na kinulang ang bangko sa pagpapautang, ang penalty na dating P5,000 ay magiging P20,000 na. Nobenta porsiyento ng kinokolektang penalty ay napupunta rin sa agri-agra.
Ang mga pautang sa nagbabagong panahon o “new normal” loans ay para ma-push ang sinasabing “digitization” sa ating mga magsasaka, tulad ng e-marketing at e-commerce o pag-promote at pagbenta ng kanilang mga produkto sa online. Hindi lang ‘yan ang uso sa ngayon, ‘yan na ang mananaig na paraan ng pagnenegosyo kapag nalampasan na natin ang pandemya.
Dapat din isulong ng mga bangko ang “green financing” o pagpapautang para makagamit ng teknolohiya at makagawa ng mga produkto na parehong environment-friendly o hindi makasisira sa ating kalikasan.
Pati vaccination program na maaaring kakailanganin ng mga kooperatiba ng mga magsasaka at mangingisda sa darating na panahon ay dapat hindi pinagkakaitan ng pautang ng mga bangko. Take note, may katapusan ang pandemyang ito, pero ang pag-asang muling makaahon o makarekober ay mangangailangan ng sapat na pondo, Agree?
Comments