ni Ryan Sison @Boses | Feb. 8, 2025
![Boses by Ryan Sison](https://static.wixstatic.com/media/2551ae_3122dd024e8a41dd8389e3259e0174e7~mv2.jpg/v1/fill/w_656,h_393,al_c,q_80,enc_auto/2551ae_3122dd024e8a41dd8389e3259e0174e7~mv2.jpg)
Upang magbigay ng karagdagang kakayahan at kaalaman sa mga social worker at paraprofessional mula sa public at private sector sa buong bansa, kinakailangan ng mga ito nang masidhing pagsasanay.
Ayon kay Social Welfare Institutional Development Bureau (SWIDB) Director Justin Caesar Anthony Batocabe, na nakatakdang buksan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Academy dahil malapit nang matapos ang renovation ng mga pasilidad at posibleng magsimula ang klase sa March. Ito ang pangunahing pasilidad sa pagsasanay at pag-aaral ng kagawaran para sa mga social worker.
Binigyang-diin ni Batocabe na ang training at mga short courses ay magbibigay ng mga oportunidad para sa pagpapaunlad ng mga kakayahan ng mga social worker at paraprofessional upang matugunan ang makabagong kasanayan sa kanilang propesyon, ang social work.
Matatandaang itinayo noong 1970 sa pamamagitan ni noo’y First Lady Imelda Marcos, ang DSWD Academy, na dating kilala bilang Social Welfare and Development Center in the Asia and the Pacific (SWADCAP), na inayos bilang isang learning facility na pinag-isipang maging sentro ng kahusayan para sa pagpapaunlad ng komunidad at social work sa Indo-Pacific Region.
Sa ilalim ng pamumuno ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, nabigyang pansin ang naturang pasilidad kaya ito isinaayos.
Bukod sa pagpapaganda ng pisikal na anyo ng DSWD Academy, sinabi ni Batocabe na ang kagawaran ay doble ang pagsisikap para mapabuti ang mga certificate courses, pagbabalangkas ng pagsasanay, at mga module sa tulong ng mga lokal at international partners.
Base sa record mula 2022, mahigit na 6,796 ang mga registered social worker na nagtatrabaho para alamin at kilalanin ang mga mamamayan.
Nararapat lamang na sanayin nang husto ang ating mga social worker upang handa rin sila sa pagtugon sa mga nangangailangan.
Sila ang mga kababayan nating sumasabak sa anumang sakuna, kalamidad, humaharap sa mga biktima ng pang-aabuso at iba pang social work.
Kumbaga, maituturing na rin natin silang frontliner na parang mga sundalo, na kinakailangan ng matinding pagsasanay at pagpapalawak ng mga makabagong kaalaman.
Hiling lang natin sa kinauukulan na sana ay patuloy ang pagsuporta sa ating mga kababayang social worker na tapat din naman na nagbibigay ng kanilang serbisyo sa taumbayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments