top of page
Search
BULGAR

Bagong modus, nagpapanggap na pasahero motornapper pala

ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 30, 2024





Dobleng pag-iingat ang anunsiyo ng Philippine National Police (PNP) para sa ating mga ‘kagulong’ matapos maalarma hinggil sa bagong modus operandi na mga nagpapanggap na pasahero saka tatangayin ang motorsiklo ng mga rider na nagresulta sa pagtaas ng motornapping sa bansa.


Personal na dumulog sa tanggapan ng Dasmariñas Component City Police Station ang biktima na si alyas Adrianne matapos tangayin ng isang nagpanggap na pasahero ang kanyang asul na motorsiklong Honda Click.


Ayon sa imbestigasyon, nagkasundo ang biktima at pasahero na sunduin ito harap ng Robinson’s Pala Pala na matatagpuan sa Sampaloc 1, Dasmariñas City, Cavite, dakong alas-5:30 kamakalawa ng hapon.


Tulad ng ordinaryong pasahero ay nagsuot pa ng helmet ang salarin ngunit habang bumibiyahe na ay biglang sinabi ng pasahero na ihinto sandali ang motorsiklo at nang iparada ang motorsiklo ay agad na tinutukan ng baril at tinangay ang sinakyang motorsiklo.


Sa ngayon ay patuloy ang isinasagawang backtracking sa Closed Circuit Television (CCTV) ng pulisya para sa pagkakakilanlan ng suspek.


Matatandaan na noong Miyerkules ng madaling-araw, isang Angkas rider ang tinangayan din ng kanyang motorsiklo na isang Suzuki Gixxer 150, ng isang nagpakilalang pasahero sa Barangay Salitran 2, Dasmariñas City, Cavite.


Alarmado na sa kasalukuyan ang PNP hinggil sa bagong modus operandi na ito ng mga magnanakaw ng motorsiklo at inaasahang isa sa mga araw na ito ay masasakote ang sindikatong nasa likod nito.


Kaya sa mga rider, makabubuting maging mapanuri sa klase ng pasaherong isasakay upang hindi maging biktima ng motornapping na patuloy ang pagtaas ng bilang ayon sa datos.


Magdala ng kahit na anong puwedeng ipanlaban sa mga masasamang loob na hindi bawal – tulad ng tubo o kahit anong puwedeng pamalo para makalaban sa mga salarin.

O kaya ay huwag nang lumaban kung hindi naman kaya upang hindi na mapahamak at hindi na ito maging mitsa ng kapahamakan.


Sa panahong ito kailangang-kailangan ang check point na isinasagawa ng PNP sa mga motorsiklo pero sa pagkakataong ito ay ang mga pasahero naman ang inspeksiyunin nang mahigpit para masakote ang mga may baril o patalim.


Tumataas ang motornapping sa bansa dahil sa may mga kababayan tayong bumibili ng motorsiklo kahit walang papeles sa halagang P5K lamang bawat isa.

 

Ito rin ang dahilan kaya marami na rin ang motorsiklong bumibiyahe sa mga lalawigan ang walang papeles dahil galing nga sa nakaw.


May mga sindikato namang nakikipag-ugnayan sa kahabaan ng Recto, Manila na silang gumagawa ng mga pekeng dokumento ng mga nakaw na motorsiklo bago ipagbili kaya dapat talagang mag-ingat.


Marami sa ating mga rider ang kaya lamang nagkaroon ng motorsiklo dahil hulugan at kaya nila nahuhulugan dahil sa tiyaga nila bilang rider tapos ay sila pa ang pupuntiryahing nakawan ng motorsiklo.


Lahat ng bagay sa Pilipinas ay gaya-gaya lang, kung ano ang uso ay ginagaya kaya dapat mag-ingat dahil baka gayahin ng mga masasamang loob ang bagong modus na ito — kawawa naman ang ating mga rider.


Pero huwag tayong mag-alala dahil sa nagbigay na ng babala ang PNP — ibig sabihin ay tinatrabaho na nila ang mga masasamang loob na ito.


Sikapin na lamang nating huwag maging biktima at kapag mga liblib na lugar ang pupuntahan ay makabubuting huwag na munang tanggapin o kaya ay dumaan muna sa mga police sub-station para magpa-blotter kung duda sa pasahero.


Ipaliwanag lamang sa pasahero na kailangan na talagang dumaan sa police station dahil sa mataas na kaso ng motornapping.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page