top of page
Search
BULGAR

Bagong ‘Magna Carta for Public School Teachers’, isulong

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | October 10, 2023

Makabuluhan at malaki ang papel ng ating mga guro sa ating lipunan at sa paghubog ng kaalaman at abilidad ng ating mga kabataan. Ngunit hindi nila epektibong magagampanan ang kanilang papel kung hindi naaayon at akma sa pangangailangan nila ngayon ang kasalukuyang batas.


Napapanahon na para maghain ng panukalang batas na naglalayong amyendahan at gawing angkop sa kasalukuyang panahon ang Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670). Sa ilalim ng ihahaing panukalang batas, maglalagay tayo ng mga bagong probisyon na tiyak na magtataguyod sa kapakanan ng ating mga public school teachers.


Ilan sa mga bagong probisyon na isusulong ng inyong lingkod ay ang pagbibigay ng special hardship allowance sa mga mobile teachers, kabilang na ang mga Alternative Learning System (ALS) teachers. Isusulong din natin na mabigyang proteksyon ang mga guro mula sa mga out-of-pocket expenses at pagsasagawa ng mga non-teaching tasks.


Itataguyod din natin ang karapatan ng mga guro at ang kanilang longevity pay.


Mantakin ninyo, 57 taon na ang lumipas simula nang maging batas ang Magna Carta, pero may mga probisyon ang batas na hindi pa rin naipapatupad hanggang ngayon.


Isa sa mga probisyong ito ang Section 22, kung saan nakasaad na makakatanggap ang mga public school teachers ng libreng annual physical examination. Bagama’t may binibigay naman ang Department of Education (DepEd) na tulong pinansyal para sa check-up ng mga guro simula noong 2019, wala pa ring programa para sa annual check-up ng mga guro kagaya ng nakasaad sa Magna Carta.


Nakasaad naman sa Section 26 ng batas na aakyat ng isang ranggo ang mga magre-retire na guro, at ang sahod sa ranggo na iyon ang magiging batayan sa mga benepisyo ng retirement. Sa kasalukuyan, ang average na buwanang sahod na natanggap ng empleyado sa huling 36 buwan ng panunungkulan bago ang retirement niya ang nagiging batayan sa kompyutasyon ng Government Service Insurance System (GSIS).


Hindi rin naipapatupad ang Section 31 kung saan minamandato ang DepEd secretary na magsumite ng annual budgetary requirements para sa pagpapatupad ng Magna Carta.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, makakaasa kayong patuloy nating isusulong ang ating adbokasiya na matugunan ang pangangailangan ng mga guro at maitaguyod ang kanilang kapakanan.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page