ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | October 11, 2023
Mula nang maupo ang bagong pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) ay tila nakakakita na tayo ng unti-unting pagbabago mula sa sandamakmak na anomalya at napakabagal na serbisyo ay medyo nararamdaman na ang pagbilis ng tugon.
Hindi naman talaga biro ang kinakaharap na problema ni LTO chief Vigor Mendoza II na bukod sa rami ng anomalya, sindikato at napakabagal na serbisyo ay inuulan ang naturang tanggapan ng mga reklamo dahil sa dami ng ‘fixer’.
Ngunit, sa rami nang tinatanggap na sumbong at reklamo laban sa LTO ay hindi kinakitaan ng pagdadalawang-isip itong si Mendoza at sa halip ay hindi ito natinag sa kanyang kinauupuan upang tuluyang ayusin ang napakatagal nang problema sa LTO.
Sa rami ng pumupuna dahil sa santambak na problemang inabutan ni Mendoza sa LTO, kailan man ay hindi nagbalat-sibuyas itong si Mendoza at sa halip ay lalo niyang pinagbuti ang kanyang trabaho upang isa-isang matugunan ang mga sumbong at reklamo.
Tulad na lamang ng ibinulgar natin kamakailan na may kapahamakang naghihintay sa ating mga kababayang bumibili sa mga nagpapanggap na mga empleyado ng LTO na nag-aalok online gamit ang Facebook na puwedeng magkaroon ng driver’s license ng hindi na kukuha ng eksaminasyon at actual testing kapalit ng kaukulang bayad.
Iba-iba ang presyo ng iniaalok na lisensya online at kapansin-pansin na sinusunod din nila ang proseso sa LTO na dapat ay mayroong student permit at sila na ang bahala sa lahat kapalit ng P5,000 hanggang P7,000 na bayad para sa non-professional driver’s license.
May special package pang inaalok ang mga ‘fixer’ online na puwedeng kumuha ng driver’s license na hindi na kukuha ng eksaminasyon sa LTO, hindi na isasailalim sa medical examination, wala ng actual driving at ipadala na lamang online ang kanilang 1x1 picture at magkakaroon na sila ng tunay na driver’s license ngunit mas mahal ang ganitong serbisyo.
Agad-agad ay umaksyon ang LTO at mabilis na nakipag-ugnayan sa Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (ACG-PNP) upang tugisin ang nasa likod nito kaya sa mas maagang panahon ay natigil ang operasyon ng mga ‘fixer’ online.
Kasunod nito, isinulat din natin na bahagyang nag-lie low ang mga kasabwat ng mga umano’y tiwaling empleyado ng LTO at rumaraket naman sa halagang P200 kapalit ng mabilis na hassle-free release ng plate number ng sasakyan.
Ibig sabihin gumalaw na ang matagal nang sindikato umano sa loob ng LTO para bumagal at humirap ang releasing ng plate number upang magkaroon ng pagkakataon ang mga ‘fixer’ at ilang empleyado mismo para magkaroon na naman ng karagdagang kita.
Nabatid na may mga tiwaling tumatanggap umano ng P200 na ‘padulas’ upang hindi na pumila ang isang car owner sa LTO district offices at iba pang distribution sites habang tila nasasamantala ang paspasang pamamahagi na ng license plates.
Hindi rin nagpatumpik-tumpik si Mendoza at sa halip ay agad na umaksyon kasabay ng panawagan sa publiko na isumbong sa kanilang tanggapan ang sinumang manghihingi ng pera kapalit ng mabilis na pagkuha ng plate number ng sasakyan at nangako itong mapaparusahan ang sinuman kahit matagal ng sindikato sa LTO.
Ang pinakahuli ay ang milyun-milyong problema sa backlog ng plate number dahil kulang-kulang 8,000 bagong kotse at halos 45,000 bagong motorsiklo ang nairerehistro kada linggo at pilit hinahabol ang problemang 16,040,630 plaka ng LTO.
Ngayon heto, buong giting na siniguro ni Mendoza na solve na ang problema sa backlog at pinaninindigan nitong mabilis na ang manufacturing at distribution ng license plate sa mga motorista.
Personal na ininspeksyon ni Mendoza ang plate making plant na umano’y nagsimula sa five equipment na ngayon ay may walong makina na gumagana at kayang gumawa ng 32,000 plaka kada araw na siyang tatapos sa matagal nang problema sa backlog.
Ipinapangako ni Mendoza na kapag bumili umano ng bagong kotse o motorsiklo ay release agad ang plate number sa loob ng 10 araw at hindi na kailangang maghintay ng mahabang panahon.
Wow! Sana ganyan lahat ng itatalagang mamumuno sa ahensya ng pamahalaan, kapag binabatikos lalong pinagbubuti at hindi ‘yung puro palpak na ang trabaho, hindi na maresolba ang trapik, palaging lubog sa baha kahit kaunting ulan lang tapos balat-sibuyas pa kapag pinupuna. Sana, ayusin ang trabaho kesa mapikon!
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09603043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments