ni Atty. Rodge Gutierrez @Mr. 1-Rider | April 15, 2023
Inalerto ng Securities and Exchange Commission (SEC) sa Bicol ang publiko na mag-doble-ingat laban sa mga kumpanya o indibidwal na nag-aalok ng financing at mababang down payment at monthly amortization sa pagkuha ng bagong sasakyan.
Inihayag ng SEC-Bicol na nakakatanggap sila ng report na pormal na isinumite sa kanilang tanggapan hinggil sa vehicle financing scheme na sobrang baba ng down payment at kaduda-duda ang sobrang baba ng monthly amortization.
Bagong-bago umano ang naturang operasyon na inaalok sa mga kababayan natin sa Bicol area ng mga hindi rehistradong kumpanya, entities, o indibidwal na tahasang nag-aalok ng mabilis na proseso at mababa ang cash out sa pagkuha ng sasakyan.
Kaya ngayon, nagkukumahog ang SEC-Bicol na mapalakas ang public awareness hinggil sa bagong modus ng mga bogus na kumpanya na nagsasagawa ng unauthorized financing schemes na huwag tangkilikin.
Ang naturang modus kasi ay isinasagawa sa pamamagitan ng paghingi agad ng inisyal na downpayment sa mga prospective client para sa pag-purchase ng bagong motorsiklo o kotse.
Ang mga fly by night na kumpanya ay siyang tumatayo na agad umanong aasikasuhin ang pagkuha ng sasakyan mula sa sa local dealership at wala namang problema dahil tuwang-tuwa ang kliyente dahil nakukuha naman talaga ang sasakyan ng purchasing client.
Minsan, hindi naman ganu’n kababa ang down payment depende sa usapan, pero mas madalas umano ay mas mababa para makumbinsi ang kliyente na magbigay agad.
Nakakaengganyo talaga ang istayl ng modus na ito dahil sa inaalok na insentibo na paghahatian umano ng kliyente at kumpanya ang responsibilidad sa pagbabayad ng monthly amortization at ang hatian umano ay aabot sa 50% sa kabuuan, bagay na napakaimposibleng mangyari.
Lumalabas na ang kliyente ay nagbabayad ng monthly amortization sa hindi naman niya alam na fly by night na kumpanya at hindi sa mismong car dealers, kaya ngayon ay may mga naloko at pinaiimbestigahan na ng SEC.
May banat pa ang mga fly by night na kumpanya na ang matatanggap umano nilang payment mula sa kliyente ay gagamitin para makabuo ng halaga sa kanilang investment portfolio na gagamitin naman sa ibang investment na puwedeng tumubo ng malaki.
Ang tutubuin umano rito ay may malaking bahagi ang kliyente at ito ay awtomatikong idadagdag sa monthly amortization ng kliyente, na sa kabuuan ay mas bababa pa ang presyo ng sasakyang kinuha nito.
Matapos maniwala sa naturang modus at nakuha na ang lahat ng pakay na halaga sa kliyente, maglalaho na ang mga nagpakilalang kumpanya at imposible na silang makontak pa.
Madidiskubre na lamang ng kliyente na ang kanilang monthly payment ay hindi naman nakakarating sa talagang car dealer at ang masaklap pa, makakatanggap na sila ng notice of foreclosure sa kinuhang sasakyan.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.
Comments