ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | Nov. 21, 2024
Dahil sa sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa, muli na namang naantala ang edukasyon ng ating kabataan.
Ayon sa Department of Education, nasa 35 school days na ang nawala sa ibang paaralan sa bansa dahil sa bagyo at ibang kalamidad.
Sa Cordillera Administrative Region, 35 school days ang nawala, na siyang pinakamataas na bilang sa buong bansa.
Sinundan ito ng Cagayan Valley, Ilocos, Calabarzon, at Central Luzon na nawalan ng 29 school days dahil sa bagyo at maging man-made hazards gaya ng sunog.
Nasa 239 paaralan ang natukoy na “very high risk” sa “learning losses” dahil sa dalas ng pagtama ng kalamidad sa kanilang lugar.
Samantala, 4,771 paaralan na may 3,865,903 mag-aaral naman ang itinuturing na “high risk.”
Nasa 377,729 estudyante ang na-displace dahil sa malubhang pagkapinsala ng kanilang mga paaralan.
☻☻☻
Sinusuportahan natin ang pagkilos ni DepEd Sec. Sonny Angara upang sa lalong madaling panahon ay maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga bata sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad.
Sa isang memorandum, inatasan ni Sec. Angara ang mga field officer ng ahensya na i-activate ang mga disaster response team at magsumite ng quick assessment sa pinsala sa mga paaralan. Inatasan din sila na ilista ang bilang ng mga eskwelahang apektado ng pagbaha at landslide, maging ang bilang ng estudyante, guro, at school staff na apektado at kung anong kailangan upang makabangon sila sa epekto ng kalamidad.
Dinirekta niya rin ang mga opisyal ng mga paaralan na magsagawa ng, “clean-up or clearing operations, minor repairs to temporary learning spaces, emergency school feeding and temporary water, sanitation and hygiene facilities to enable a safe learning environment and facilitate immediate access to education.”
Sinabi rin ni Angara na kailangang mag-implementa ang mga paaralan ng alternative delivery modes at ang Dynamic Learning Program (DLP) para sa mga mag-aaral na hindi pa makabalik sa eskwela dahil sa pagkapinsala ng mga imprastraktura o pag-alala sa kanilang kaligtasan.
☻☻☻
Patuloy pa rin ang krisis sa edukasyon, at nangangamba tayong lalo pang malulugmok ang sektor dahil sa epekto ng krisis sa klima.
Sa lalong madaling panahon ay kailangang makahanap tayo ng solusyon upang masiguro na patuloy na makakapag-aral ang ating mga estudyante sa harap ng bagong realidad na dala ng mas malalang epekto ng nagbabagong klima.
☻☻☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice!
FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments