ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | November 25, 2022
Sa ginanap na pagdinig sa Senate Committee on Public Order ngayong linggo, muli tayong nanawagan na magkaroon ng pangkalahatang sistema o holistic approach sa pamamaraan kung paano masusugpo ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.
Bukod sa tapang, dapat mayroong malasakit. Importante kung paano matutulungan ang mga nalulong sa masamang bisyo na muling makapagbagong buhay at makabalik sa kanilang pamilya at sa lipunan sa pamamagitan ng mas maayos na rehabilitation programs na ipatutupad ng pamahalaan.
Isa sa mga adbokasiya ng nakaraang administrasyon ay ang pagpapanatili ng peace and order sa bansa. Kaya nagpapasalamat tayo sa Philippine National Police, Dangerous Drugs Board, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at sa Department of the Interior and Local Government, sa lahat ng naging bahagi ng laban kontra droga dahil hindi ito magiging matagumpay kung hindi dahil sa inyong tulong at trabaho.
Masidhi ang kampanya kaya bumaba na ang crime rate noon. Mahalagang hindi masayang ang ating nasimulan at maipagpatuloy ang pagsugpo sa mga nasa likod ng ilegal na droga para masolusyunan din ang problema sa kriminalidad at katiwalian. Kaya saludo tayo sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. dahil sa kanilang adhikain na ipagpatuloy ang laban at bigyang-importansya ang rehabilitasyon.
Ito ang isa sa mga dahilan kaya isinumite nating muli ang isa sa ating priority bills, ang Senate Bill No. 428 na naglalayong maitayo ang Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa bawat lalawigan sa ating bansa. Ang mga nalulong sa droga ay dito pansamantalang maninirahan habang isinasagawa ang rehabilitasyon at gamutan. At kapag tuluyan na silang na-rehabilitate, magpapatuloy ang rehabilitation center sa pagsubaybay sa kanila hanggang tuluyan silang makaangkop muli sa buhay.
Bukod sa pagtiyak sa kaligtasan at seguridad ng ating bansa laban sa kasamaang hatid ng droga, napakahalagang tutukan at bigyang-pansin ang rehabilitasyon, paggaling at tuluyang pagbabagong buhay ng mga nalulong dito. Sa pamamagitan ng pagtatayo ng Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers, mas mapalalakas natin ang isinasagawang pagsisikap na makapagsalba ng buhay at makawala ang mga biktima sa kuko ng mapanganib na droga.
Bahagi ng ating pangako ang patuloy na paglalapit ng serbisyo at malasakit sa mga Pilipino lalung-lalo na ang mga higit na nangangailangan.
Dahil napakahalaga ng edukasyon ng kabataang Pilipino, noong Nobyembre 23 ay sinaksihan natin ang ceremonial awarding ng scholarship certificates para sa 593 estudyanteng benepisaryo sa Minalin, Pampanga. Sinaksihan din natin ang paglulunsad ng ika-153 na Malasakit Center na nasa OFW Hospital sa San Fernando City. Matapos ito ay nag-inspeksyon tayo sa itinatayong SHC sa nabanggit ding lugar at personal na namahagi ng ayuda sa mahihirap na residente.
Ngayong linggo ay maagap nating inalalayan ang mga biktima ng sunog, tulad ng 72 residente sa Cagayan de Oro City; 19 pamilya sa Nangka at Malanday sa Marikina City, at dalawang katao sa Tacurong City, Sultan Kudarat; at ang 466 na binaha sa Cagayan de Oro City.
Nakarating din tayo sa Maguindanao del Norte at naghatid ng tulong sa 3, 333 mahihirap na residente mula sa iba’t ibang bayan. Sa Surigao del Norte ay 1,200 residente ng Sta. Monica ang naalalayan, bukod pa ang 1,184 mula sa Dapa. Sa Misamis Oriental, hindi natin kinaligtaan ang 1,595 na benepisaryo sa Medina, at 926 pa sa Tagoloan. Dumayo rin tayo sa Noveleta, Cavite at naayudahan ang 1,333 benepisyaryo; 1,666 sa Labason, Zamboanga del Norte; at 1,116 sa Lucena City, Quezon.
Ramdam natin ang paparating na Kapaskuhan. Tanaw na rin natin ang “light at the end of the tunnel” sa laban kontra COVID-19. Tulad noon, ang apela natin ay patuloy tayong magtulungan, magbayanihan at sumunod sa health protocols habang naririyan pa rin ang panganib ng pandemya. Ang mahalaga ay unti-unti na tayong nakababalik sa normal, bumabangon ang ating ekonomiya at walang maiiwan sa pag-unlad.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments