ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | July 19, 2024
Opisyal nang idineklara ang inyong lingkod bilang bagong anak ng Tabuk City sa lalawigan ng Kalinga.
Sa Resolution No. 204, s. 2024 na kamakailan lamang ay inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod ng Tabuk, ang inyong lingkod ay pinarangalan na maging adopted son of the city at binigyan ng titulong “Alindayo”.
Ang naturang native name ay hango mula sa pangalan ng dating Tobog chieftain at tagapamayapa na siyang nanguna sa tribu para sa mapayapang relasyon sa iba pang katribu ng Kalinga.
Ang pamahalaang Lungsod ng Tabuk, sa pangunguna ni Mayor Darwin Estrañero at Vice Mayor Dick Bal-o, ang siyang naggawad ng karangalan sa inyong lingkod bilang adopted son ng siyudad, isang napakataas na pagkilala dahil hindi umano matatawaran ang ating dedikasyon pagdating sa serbisyo-publiko — at hindi umano tumitigil na maitaas ang antas ng kanilang pamumuhay.
Dahil dito, lubos akong nagpapasalamat sa mga kababayan sa Tabuk City, Kalinga sa kanilang pagtanggap sa akin na adopted son. Isang malaking karangalan ito at buong buhay kong tatanawin at papahalagahan ang kanilang pagtanggap, pagmamahal, at pagkilala.
Ang mga opisyales ng Tabuk City ay nagbigay ng cultural items sa inyong lingkod tulad ng tradisyunal na G-string, makulay na vest, sling bag, headgear ng tribal chieftain kabilang na ang pana at panangga bilang pagtanggap na isa na akong tunay na anak ng Kalinga.
Nakakataba ng puso ang pagkilalang ito na iginawad sa akin — sampu ng aking asawa at mga anak ay habambuhay naming tatanawin ang parangal at pagtanggap na kaisa nila sa kanilang tribu.
Hindi natin inaasahan ito dahil ang tanging pakay lang natin ay makapagbigay ng serbisyo-publiko hanggang sa pinakamaliliit nating kababayan – hindi lang sa Tabuk kundi sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil sa karangalang ito ay mas lalo pa nating pag-iibayuhin ang nakasanayan na paglilingkod, kung saan palagi tayong nagbibigay ng tulong sa mga nangangailangang lugar partikular ang mga biktima ng iba’t ibang klase ng kalamidad.
Napakataas din ng moral ng ating mga kasama sa ‘bayanihan relief’ operation na matiyagang nagsasaayos ng mga food packs at iba pang puwedeng ipamahagi sa mga nangangailangan nating kababayan.
Lalo na’t may isa na namang ganap na bagyo ang binabantayan -- na naiulat na low pressure area sa labas ng teritoryo ng bansa.
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comentarios