ni Grace Poe - @Poesible | February 1, 2021
Hello, mga bes! Kumusta kayo ngayong mga araw na ito? Nailabas na ba sa taguan ang mga pangginaw ninyo? Ang sarap ng lamig tuwing umaga nitong nakaraang mga araw, nakakagana lalo magkape.
Nabahala tayo sa pahayag ng ilang opisyal ng pamahalaan na lumabas ang mga tao at mamili sa pamilihan para sumigla ang ating ekonomiya. Pambihira naman! Tama, makakatulong para makabangon ang mga negosyo ang pagtangkilik ng mga tao. Pero mga bes, paano naman gagastos ang mga tao kung wala silang panggastos? Napakaraming nawalan ng trabaho dahil nagsara ang kanilang pinapasukan, bukod pa sa mga nagnegosyong nalugi dahil sa pandemya. Para sa atin, insensitibo naman na sabihan silang gumastos kung kailan namamaluktot sila para manatiling buhay sa mga panahong ito.
Sa pagpapalagay ng ating economic planners, ang paggasta ng mga consumer ang susi sa pagbangon ng ekonomiya. Tama ito sa teorya. Pero ang katotohanan, saan huhugot ang mga tao ng gagastahin? Manhid naman na sabihan natin ang mga taong nawalan ng trabaho na gumastos sila, lalo pa at napakamahal ng mga bilihin ngayon. Sa mahal ng bilihin, lalo na ng pagkain, hindi natin maasahan ang mga kababayan nating maglalabas.
Nagbigay ang pamahalaan ng ayuda noong kasagsagan ng paghihigpit ng lockdown. Ngayong sampung buwan na tayong naka-quarantine, marami ang nakakaramdam na mas kailangan nila ngayon ang tulong, pero wala nang dumarating.
Kailangang tutukan ng National Economic Development Authority (NEDA) ang employment dahil ito ang sektor na lubhang apektado ng pandemya. Noong isang taon pa dumadaing ang mga negosyo sa pamahalaan na bigyan sila ng tulong. Kailangan nating kilalanin na kung hindi natin bibigyan ng financial stimulus ang mga negosyo, magsasara ang mga iyan, na siyang nangyayari nga. Kapag nalugi at nawala ang mga negosyo, kasabay nitong malulugmok ang mga trabahador at empleyadong umaasa sa mga establisimiyento para mabuhay.
Isa ang mga Pilipinas sa may pinakamahabang quarantine sa buong mundo. Totoo, mahalaga ang buhay at kaligtasan kaysa pera. Pero katotohanan ring kailangang harapin natin na kailangan ng ilalaman sa sikmura at pangtustos sa gastos para magkaroon ng ligtas na tirahan ang ating mga mamamayan.
Sinusubukan ng pandemyang ito ang talas ng isip ng mga nagpaplano at nagpapatakbo ng ating ekonomiya. Ang hamon ay balansehin ito sa malasakit sa ating mga kababayang higit na nakakadama ng epekto ng pandemya sa kanilang araw-araw na pamumuhay.
Comments