@Editorial | October 09, 2021
Mahaba-haba ang listahan ng mga gustong kumandidatong pangulo, bise-presidente, senador at partylist representatives.
Bagama’t kahapon ang itinakdang huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (CoC), wala pa umanong maituturing na opisyal na listahan na sasabak sa Halalan 2022.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), hanggang Nobyembre 15 pa magkakaalaman, dahil may pagkakataon pa para sa substitution o pagpapalit ng kandidato.
Pagkatapos ng Nobyembre 15, hindi na papayagan ang substitution maliban na lamang kung namatay o naging incapacitated ang kakandidato o ang tinatawag na involuntary substitution.
Ang pupuwede lamang na pumalit ay ka-apelyido ng namatay o incapacitated ang ipapalit dahil nakaimprenta na sa balota.
Ang tanong, sa dami ng mga nag-aambisyon, ilan kaya o sino kaya sa kanila ang karapat-dapat sa tiwala ng taumbayan?
Kapansin-pansin ang mga bagong mukha pero tila mas marami pa rin ang luma. Silang mga dati nang nahalal o kaya’y itinalaga sa gobyerno.
May mga masasabing subok na sa paglilingkod at meron ding baguhan talaga at wala pang karanasan sa serbisyo-publiko.
Ang unang dalawang tanong, ano ang mga nagawa nila habang nasa puwesto? Ano kaya ang magagawa nila ‘pag nanalo?
Ang mga susunod na tanong, kung wala silang nagawang mabuti noon, bakit pa nangangarap ngayon? Kung walang alam pero nakikipagsapalaran, ano’ng mangyayari sa gobyerno?
Bakit ba laging nasa taumbayan ang bigat ng pagpili?
Hindi ba puwedeng kayo mismong mga kandidato ang sumuri sa inyong mga sarili kung kayo ba ay talagang karapat-dapat na maging lider at kinatawan ng mamamayan?
Alam n’yo sa inyong sarili kung ano ang inyong kakayahan at tunay na layunin sa pagpasok ng pulitika. Isang bagay lang ang inyong kailangan — konsensiya.
Comments