ni Lolet Abania | April 2, 2022
Nagsagawa na ang UniTeam tandem nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at running mate Davao City Mayor Sara Duterte (Lakas-CMD) ng miting de avance kasama ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Pilipinas at sa 35 iba pang bansa, bago ang gagawing month-long overseas voting.
Ginanap ang programa sa isang hotel sa Pasay City nitong Biyernes, kabilang ang mga OFW participants abroad na dumalo sa pamamagitan ng virtual conference at tinalakay ng tandem ang kanilang platform para sa mga OFWs.
Binigyan-diin ni Marcos na isusulong ng UniTeam ang job creation o trabaho para sa mga OFWs, na nangangarap na hindi na malayo sa kanilang mga mahal sa buhay at pamilya, at nagnanais ng opsyon na manatili na rito sa bansa.
Ang mga UniTeam senatorial bets ay naroon din sa event, habang binigyan ang bawat isa ng tig-2 minuto para batiin ang lahat ng mga attendees sa miting de avance.
“We’re not confident of anything until we actually get it. So but yes, of course, we are working hard to get their support,” sabi ni Marcos sa isang chance interview sa naturang event.
“Titiyakin natin na ligtas ang ating mga OFWs sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan,” saad naman ni Mayor Sara.
Kabilang sa mga OFW participants na dumalo ay mula sa Thailand, Vietnam, Hong Kong, Macau, Singapore, Brunei, Japan, New Zealand, Australia, Cambodia, Taiwan, Turkey, Cyprus, Switzerland, France, Russia, Armenia, Spain, Egypt, Qatar, Jeddah, Kuwait, Oman, Bahrain, Israel, Kingdom of Saudi Arabia, Chile, Dubai, United Arab Emirates, Italy, Canada, United Kingdom at sa United States, ayon sa kampo ng UniTeam.
Ayon sa Partido Federal ng Pilipinas, ang partido ni Marcos, ang naturang event ay kauna-unahang naisagawa sa ganitong paraan sa Philippine politics.
Samantala, mayroong 1.7 milyong registered overseas voters para sa darating na eleksyon, kung saan magsisimula sa Abril 10 abroad.
תגובות