ni Ambet Nabus @Let's See | Dec. 18, 2024
Photo: Dominic at Sue - Circulated
Oh, ha, lantaran na ring idinispley ni Dominic Roque sa Christmas party ng ineendorso niyang fuel company si Sue Ramirez last weekend.
Ayon sa mga nagpadala ng mensahe sa amin, very sweet at warm na sinalubong ng mga tao ang dalawa lalo na ‘yung may-ari ng kumpanya, na nadamay sa iskandalo ni Dom noong mga nakaraang buwan dahil itinuro pang third party sa breakup nila ni Bea Alonzo.
“Ginawa pa ngang parlor game ‘yung ‘Akin ‘to, atin ‘to’ campaign logo ng company. Game na game na nakisaya ang dalawa,” kuwento ng aming mga sources.
Pinuri nga rin daw ang pagiging accommodating ng dalawa sa mga nagpa-picture at nakipagbiruan sa kanila.
“Bagay na bagay sila, ang ganda nilang tingnan. Sana, magkatuluyan nga sila,” hirit pa ng ilan.
Mukhang komportable nga sina Sue at Dom sa harap ng publiko and yes, nagawa pa nga raw makapag-promote ng dalawa ng Metro Manila Film Festival (MMFF) movie na kasali si Sue, ang The Kingdom (TK).
“Ganu’n ang BF (boyfriend), nakasuporta,” dagdag-komento ng mga nagkuwento sa amin.
Speaking of The Kingdom (TK), very impressive ang napanood naming mga eksena sa movie. Iba ang lengguwahe, iba ang awrahan ni Piolo Pascual na kahit medyo deglamorized ay guwapung-guwapo pa rin on screen.
Pero nakakagulat ang dramatic moments ni Bossing Vic Sotto, tiyak naming maninibago ang mga manonood sa kanyang seryosong role bilang hari ng isang monarkiya na nagpapatakbo ng bansa.
May mga “what ifs” kang agad mong masasagot kapag napanood mo ang movie, lalo’t naging parte rin ng history ng ating bansa ang pag-exist ng monarchy, bago pa man tayo sinakop ng mga dayuhan.
Very promising ang pelikula at pasok na pasok ito sa criteria ng Gatpuno Award ng MMFF and of course, sa iba pang mga karangalan at stake.
Bukod kina Piolo at Bossing Vic, magagaling din sina Sid Lucero, Cristine Reyes, Sue Ramirez at mga character actors na kasama nila.
Winner ang pagkakagamit ng Intramuros sa Maharlika setting at mga props mula sa damit, upuan, mga tela, etc. at ultimo mga tattoo nila sa katawan, nagsasalita at may lamang mga mensahe.
Kapuri-puri ang produksiyon at si Direk Mike Tuviera na mabilis na sinagot ang mga naging katanungan namin sa ilang eksena, pati na ang producer na si Jojo Oconer nang sabihin naming bongga ang accent ng TV interviewer sa isang eksena ni Bossing Vic at kahawig pa ni Dimples Romana. Hahaha!
Comments